KAHANGA-HANGA ang mga salitang ginamit ng International Monetary Fund (IMF) para ilarawan ang ekonomiya ng Pilipinas nitong Lunes. Pinuri ni Shanaka Jayanath Peiris, resident representative ng IMF, ang ating mas matatag kaysa inaasahang paglago sa ikatlong quarter ng taong ito kaya naman itataas ng IMF ang pagtaya nito sa ikauunlad ng ekonomiya ng bansa, aniya.
Sa 7.1 porsiyentong pagtaas ng Gross Domestic Production (GDP) sa ikatlong quarter (Hulyo, Agosto, Setyembre), ang ekonomiya ng Pilipinas ang pinakamabilis na umunlad sa rehiyon. Ang pagsipa ng GDP nito ay mas mabilis kaysa 6.7 porsiyento ng China, 6.4 na porsiyento ng Vietnam, 5 porsiyento ng Indonesia, at 4.3 porsiyento ng Malaysia. Ang pag-unlad na ito ay pinangunahan ng bumabawi na ngayong sektor ng agrikultura at patuloy na pagtatag ng pribadong konsumo at pamumuhunan.
“We will most likely be revising our growth forecast for 2016 in the next round of world economic outlook revisions,” sabi ni Peiris.
Gayunman, sa kaparehong araw ay pinuna ng Management Association of the Philippines (MAP) ang patuloy na pangungulelat ng Pilipinas sa iba pang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa larangan ng Foreign Direct Investments (FDI). Sa datos noong Oktubre 2015, ang Pilipinas ay may kabuuang $5.724 billion na FDI, kumpara sa $61.284 billion ng Singapore; $16.916 billion ng Indonesia; $11.8 billion ng Vietnam; at $11.289 billion ng Malaysia.
“We are so good at enticing foreign investors. We are so good at inviting them into our country,” sinabi ni MAP President Perry Pe. “But the moment the foreign investors come here, we’re so good at frustrating them…. We put up so many restrictions along the way, so much red tape, that ease of doing business becomes zero.” Nag-aalok ang bansa ng maraming oportunidad para sa dayuhang pamumuhunan, aniya, ngunit napipigilan ito ng mga umiiral na pagbabawal at hindi nagmamaliw na kurapsiyon.
Tinatanggap natin ang pagsusuring ito ng IMF sa pagsigla ng ekonomiya ng Pilipinas ngunit dapat tayong bigyan ng karampatang babala na pagpuna ng MAP sa maraming pagbabawal ng gobyerno na nakapagpapabago sa isip ng mga nais sanang magnegosyo sa bansa, lokal man o dayuhan — “whether it be from a Bureau of Internal Revenue perspective, from a Customs perspective, and even from a Securities and Exchange Commission perspective” — bahagi ng pahayag ng presidente ng MAP.
Pinangungunahan ng bagong administrasyong Duterte ang isang hakbangin para sa pagbabago sa Konstitusyon upang alisin o amyendahan ang ilang probisyon na nakahahadlang sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas kumpara sa ating mga kalapit-bansang ASEAN. Ngunit maraming iba pang probisyon ang batas at mga umiiral na pagbabawal sa mga tanggapan ng pamahalaan na maaaring bawasan o tuluyang alisin, kahit pa walang Charter change, upang matulungan na maisulong pa nang mas mabilis ang pambansang kaunlaran.