Libu-libong raliyista, karamihan ay mga militanteng manggagawa at estudyante, ang nagmartsa at nagkataong nagrelyebo pa sa pagdaraos ng demonstrasyon sa Mendiola sa Maynila bago nagtungo sa EDSA People Power Monument upang ipakita ang kanilang pagtutol sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, habang iginiit naman ng ilan ang pagbibigay-tuldok sa contractualization kahapon, sa ika-153 anibersaryo ng kapanganakan ng ama ng rebolusyon na si Andres Bonifacio.
Bilang pagbibigay-pugay kay Bonifacio, nagkanya-kanyang batch ang 3,200 raliyista sa Mendiola upang ibasura na ang contractualization at iba pang “US-dictated neoliberal policies.”
“Bonifacio taught us to fight oppression by foreign powers and local tyrants and traitors. Today, workers mark his birth anniversary with protest to register our utmost rejection of contractualization and other US-dictated anti-worker policies,” sabi ni Elmer Labog, chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Nagmartsa rin kahapon ang mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kasama ang ilang guro para magtipun-tipon sa Welcome Rotonda bago muling nagmartsa patungong Mendiola.
Bago pa nakarating sa Mendiola, umalis na roon ang KMU, kasama ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sanlakas, Partido Lakas ng Masa (PLM), Freedom from Debt Coalition (FDC), Partido ng Manggagawa at iba pa para magtungo sa EDSA People Power Monument upang makiisa sa mas malaking protesta laban sa paglilibing kay Marcos, dakong 4:00 ng hapon.
Nauna rito, kakaibang dance protest naman ang idinaos ng mga estudyante sa Balintawak Market sa Quezon City laban sa Marcos burial. Nakadamit Katipunero, nag-rally ang mga estudyante bago nagsagawa ng usung-uso ngayong mannequin challenge, na ang mga pose ay may kaugnayan sa rebolusyong pinamunuan ni Bonifacio.
Martes ng gabi naman naglunsad ng vigil ang nasa 80 miyembro ng “Block Marcos”, karamihan ay millenials, sa labas ng LNMB sa Taguig City, at iginiit na managot si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapahintulot na mailibing sa respetadong himlayan ang isang diktador.
Nagsipagsindi sila ng kandila at nagtali ng mga itim na ribbon sa bakod ng LNMB bago nag-rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kinabukasan, kasama ang iba pang grupong kontra Marcos, bago sama-sama silang nagtungo sa Mendiola at sa People Power Monument sa Quezon City.
Ito na ang ikatlong malawakang protesta kontra sa Marcos burial: ang una ay ikinasa ilang oras makaraang mailibing si Marcos nitong Nobyembre 18, at ang ikalawa ay sa Black Friday Protest nitong Nobyembre 25 sa Luneta.
Gayunman, bago pa mapuno ng mga kontra sa paglilibing kay Marcos ang People Power Monument ay nagsagawa na ng demonstrasyon doon, dakong 1:00 ng hapon, ang 150 kasapi ng Youth Power Against Destabilization (YPAD) na pabor sa libing at nanawagan ng paghihilom ng mga sugat ng kahapon.
Samantala, bandang 7:00 ng umaga nang isagawa ang taunang wreath-laying ceremony sa Bonifacio Monument sa Caloocan City, na pinangunahan ng mga opisyal ng siyudad.
(BETHEENA UNITE, MARTIN SADONGDONG, JUN FABON, CHITO CHAVEZ at ORLY BARCALA)