ISINILANG ang Balita sa panahon ng ligalig. (Maaaring basahin ang kaugnay na artikulo ni G. Clemen Bautista sa pahinang ito.)
Tila bahagi ng tadhanang iniluwal ang unang isyu ng pahayagang ito sa pinakaunang araw ng buwan ng pagsilang din ng Dakilang Manunubos. Malayang maihahambing sa tala na nagsilbing tanglaw sa sabsaban mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan.
Simula noong Disyembre 1, 1972, mabilis na naging institusyon ng pamamahayag sa lipunang Pilipino ang Balita.
Dahil nanggaling sa sinapupunan ng Liwayway, bilang suplementong Balita ng Maynila, taglay din ng anak ang mga katangian ng magulang -- ang institusyon ding lingguhang magasin na nakalaan sa pagpapayabong ng panitikan o literaturang Pilipino.
Kaya hindi kataka-takang kinakatawan din ng Balita ang magagandang tradisyon at kaugalian ng Lahing Kayumanggi.
Magpahanggang ngayon, sa panahon ng Information Revolution at Internet o social media -- at ng mga pakinabang at kalituhang hatid nito -- maingat na binabantayan ng mga kagawad ng editoryal ng Balita ang malinis na paggamit ng wikang sariling atin. Hangga’t maaari ay iniiwasan pa rin ang paggamit ng mga salitang pabalbal o lumilihis sa kagandahang-asal. Ito ay bilang pagtalima rin sa sinabi ni Apostol Juan na, “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling natin.”
Dahil nagsisimula sa kaisipan ang lahat ng mga nagaganap sa isang tao o komunidad, maging ang maayos at makulay na kulturang minana sa samahan ng mga naunang namahala sa editoryal ng Balita ay pinananatili hanggang ngayon -- at nawa’y habang patuloy na inililimbag at nagsisilbi sa mga Pilipino ang pahayagang ito.
Tiyak na mayroong magtatanong kung bakit patuloy ang masugid na pagtangkilik ng madla sa Balita. Ano ang sekreto ng Balita?
Dahil ang Balita ay binubuo araw-araw ng mga kawani ng Manila Bulletin Publishing, Inc. na nagsasamahan bilang isang pamilya, masayang pamilya.
Sa aming editoryal matatagpuan ang pinakamasasayang manggagawang Pilipino. Ipinagmamalaki namin na ito ang “happiest workplace in Metro Manila” kung hindi man sa buong mundo.
Kinokoberan at iniuulat ng Balita ang mga sigalot at kaguluhan sa ating bansa at sa buong daigdig pero sinisikap naming maramdaman ng bawat mambabasa sa aming inihahatid na “soft news” na ang pahayagang ito pa rin ang tanggulan ng kapayapaan, pagbibigayan at kaayusan. Ang tagapagtanggol ng lahat ng mabubuti at magagandang kaugalian at diwa ng mga Pilipino.
Sa loob ng 45 taon, ang Balita ay nagsilbing tanglaw sa panahon ng kadiliman sa pang-unawa at ligalig. Mananatiling tapat sa tungkuling ito ang Balita maging sa mga susunod pang panahon. (DINDO M. BALARES)
[gallery ids="209569,209568"]