TAGUM CITY, Davao Del Norte — Kinumpleto ni Maenard Batnag ang kampanya sa nakopong limang gintong medalya at tanghaling “most bemedaled athlete” sa swimming competition ng Philippine National Youth Games-Batang Pinoy National Championships kahapon sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex.

Nagwagi ang 12-anyos mula Baguio City sa boys’ 12-under 100m butterfly at 200m individual medley upang idagdag sa naunang napagwagihan sa 200m back, 100m freestyle at 100m back.

Naorasan si Batnag ng isang minuto at 6.76 segundo sa 100m fly upang talunin sina Andre Geronimo ng Tanauan City (1:09.59) at Leonardo Dalman III ng Dipolog City (1:09.86).

Sunod na nagwagi ang Grade 7 sa Baguio City National High School sa 200m individual medley sa tiyempong 2:31:08 , mas mabilis kina Jake Ellis Evangelista ng Batangas City (2:38.11) at Philip Miguel Mendoza ng Laguna (2:38.53).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sinubukan ko po mag-swimming para makapagbawas ng weight. Hindi ko po inasahan na magwagi ako dito sa Batang Pinoy,” pahayag ni Batnag.

Nakasungkit naman sina Christian Paul Anor ng Banganga, Davao Oriental at Matthieu Adrien Tao ng Davao City ng panalo sa pagtatapos kahapon ng kompetisyon sa swimming.

Matapos magwagi sa boys’ 13-17 200m backstroke, 100m free at 100m back sa unang araw ay idinagdag ng 17-anyos na si Anor ang mga ginto sa 50m back habang si Tao ang nanguna sa Davao sa 4x50m relay title, gayundin sa 50m free, 100m at 200m free sa boys’ 12 and under.

Nagwagi si Mark Jiron Rotoni mula Quezon City ng tatlong ginto (100m breast stroke, 200m IM at 200m breast) sa boys’ 13-17 habang si Janelle Alisa Lin ay nagdomina sa 200m IM, 200m free at 200m back sa girls’ 12-under. (Angie Oredo)