Pinakiusapan ng US-based Human Rights Watch (HRW) ang United States at ang mga miyembro ng European Union (EU) na itigil ang ayuda at mga training program para sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kuwestiyonableng pagpatay sa 1,959 na drug suspect.
Inakusahan ni Phelim Kine, deputy Asia director ng HRW at matagal nang katunggali ni dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ang PNP sa pagkabigong maimbestigahan ang pagpatay sa 1,959 na drug personalities.
Sinabi ni Kine, na nag-akusa kamakailan kay Duterte bilang utak ng Davao Death Squad (DDS), na ang mga isinasangkot na pulis sa libu-lubong kaso ng pagpatay sa Maynila at iba pang lungsod ay suportado hindi lamang ni Duterte, kundi maging ng gobyerno ng Amerika.
Ipinahayag niya na isang PNP officer ang umamin sa British journalist na siya ay kabilang sa 87 anti-drug killing at idinawit si Duterte at mga tauhan nito sa likod ng madugong pagpatay.
“The US – along with other foreign governments that provide funding and training assistance to the PNP, including the European Union (EU) – should signal its concern about Duterte’s ‘war on drugs’ by immediately suspending assistance, including training, to the Philippine police,” apela ni Kine. (Chito A. Chavez)