Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nabawi na nito kahapon ng umaga ang lumang gusali ng munisipyo sa Butig, Lanao del Sur na kinubkob ng Maute terror group noong nakaraang linggo.
Kasabay nito, iniulat ng militar na nasa 61 miyembro na ng Maute Group ang napatay, habang 12 iba pa ang nasugatan sa sagupaan sa militar.
Sinabi rin ng AFP na 35 sundalo rin ang nasugatan sa bakbakan.
Ayon kay Army Major Felimon Tan, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ng AFP, batay sa mga report na natanggap nila, nasa 85-90 porsiyento na ng Poblacion sa Butig ang nabawi ng militar.
‘HUWAG UMABOT SA GIYERA’
Samantala, natuloy kahapon ang pagbisita si Pangulong Duterte sa 103rd Brigade ng Army na nakikipaglaban sa Maute.
Matapos ang pakikipagpulong sa mga security official, kasama sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Glorioso Miranda, at Army Chief Lt. Gen. Eduardo Año, nagbiyahe ang Presidente patungong Cagayan de Oro City upang kumustahin at gawaran ng medalya ang mga sundalong nasugatan sa labanan sa Butig.
Nagbabala ang Pangulo sa Maute Group na kung hindi nito titigilan ang mga pag-atake at pambobomba ay mahaharap ito sa matinding digmaan sa puwersa ng gobyerno.
“Dito sa Maute, I said I don’t want to wage a war against Filipinos but I told them that they have to stop. Sana huwag na lang tayo umabot ng giyera, so I’m doing everything to prevent a war,” anang Pangulo.
Maute Group ang suspek sa pambobomba sa Davao City noong Setyembre 2, gayundin sa pag-iiwan ng bomba malapit sa US Embassy nitong Lunes, at pananambang sa mga sundalo at operatiba ng Presidential Security Group (PSG) nitong Martes.