Pagbotohan ng United States Congress sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) ang panukalang batas na magbibigay sa mga Pilipinong beterano ng World War II ng Congressional Gold Medal, ang pinakamataas na civilian award na maaaring igawad ng US government sa isang indibidwal o grupo na nagkagawa ng malaking tagumpay na nakaapekto sa kasaysayan at kultura ng Amerika.
Noong Hulyo, inaprubahan ng US Senate ang Filipino Veterans of World War II Congressional Gold Medal (CGM) Act of 2015.
Kapag pumasa sa Congress ang House companion bill, House Resolution 2737, ipadadala ito sa Pangulo para lagdaan bilang batas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senator Mazie Hirono (D-HI), nagsulong ng batas sa US Senate nitong Hunyo 2015, na sa pagboto pabor sa panukalang batas, “Congress will take the next step to recognize the brave and courageous service of Filipino World War II.”
Binigyang-diin naman ni Congresswoman Tulsi Gabbard (D-HI-02), nagtaguyod sa HR 2737 noong nakaraang taon, na ilang dekada nang naghintay ang “loyal and courageous soldiers” para kilalanin ang kanilang serbisyo. “They cannot afford to wait any longer,” aniya.
Kinilala ng Filipino Veterans of WWII Congressional Gold Medal Act in 2015 ang mahigit 200,000 sundalong Pilipino at Filipino-American na nakipaglaban sa ilalim ng bandila ng Amerika laban sa Imperial Forces ng Japan noong World War II. (Roy C. Mabasa)