Pormal na tinanggap ng Senado kahapon ang show-cause order mula sa House committee on justice laban kay Senator Leila de Lima at binigyan ang senadora ng 72 oras para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat na ma-contempt sa pagpapayo sa kanyang dating driver-bodyguard na si Ronnie Dayan na huwag dumalo sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng bentahan umano ng droga sa New Bilbid Prisons (NBP).
Personal na iniabot nina House Majority Leader Rodolfo Fariñas at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang isang-pahinang kopya ng order kay Senate Secretary Lutzgardo “Lutz” Barbo.
Si Fariñas ang chairman ng House committee on rules, habang head naman ng justice committee si Umali.
Sakaling mabigong sagutin o balewalain ni De Lima ang order, sinabi ng komite na mapipilitan itong i-cite for contempt ang senadora.
Sinabi ni Barbo na isusumite niya ang order sa Senate committee on ethics na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III.
SENATE ISSUE
Ayon kay Sotto, didinggin nila ang dalawang ethics complaint laban kay De Lima sa Martes, Disyembre 6, kabilang na ang humihiling na mapatalsik sa Senado ang huli sa pagkakasangkot umano sa kalakalan ng droga.
Tungkol sa show-cause order, sinabi ni Senator Franklin Drilon: “I would want that the institution, the Senate President, and the institution should tackle it, should respond to it. This is not only the issue of Senator De Lima, this is an issue of the whole Senate as an institution.”
Kaugnay nito, iginiit ni De Lima na pinayuhan lamang niya, at hindi inutusan, si Dayan na magtago at umiwas sa pagdinig ng Kamara.
“I stand by my advice. It was an advice and I stand by it,” sabi ni De Lima.
LEILA, IINDYANIN SI DAYAN
Nakatakdang humarap si Dayan sa pagdinig ng Senado sa Lunes, at inihayag na kahapon ni Senator Panfilo Lacson na hindi dadalo si De Lima sa nasabing hearing.
Sinabi ni Lacson na aalamin niya sa Lunes kung ano ang koneksiyon ni Dayan sa mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8.
Samantala, napaulat na nailipat na rin sa bagong safe house sa Pangasinan si Dayan at anak niyang si Hannah, makaraang makumpirma na mayroon umanong umaali-aligid sa unang tinuluyan ng mag-ama.
Pinaigting pa ng Pangasinan Police Provincial Office ang pagpapatupad ng seguridad para sa mag-ama.
(Hannah Torregoza, Leonel Abasola at Liezle Basa Iñigo)