NAUDLOT pa ang sana’y first Metro Manila Film Festival’s entry ni Ryza Cenon. Hindi napili ng screening commitee ng festival ang pelikulang kinabibilangan niya.
“Nalungkot siyempre,” pag-amin ng aktres ng Ika-6 Na Utos ng GMA Network sa hindi pagpasok sa Magic 8 ng kanilang pelikula. “Na-excite pa naman ako sa magiging experience lalo na pagsakay ng float, ‘yung ganu’n, so wala, ganu’n talaga. Nakalulungkot pero happy pa rin ako kasi mas maaga nilang mai-experience ‘yung movie namin. Although, siyempre, iba pa rin ‘yung festival at hindi ko pa ito na-experience, sayang!”
Ano ang gagawin niya sa December 25 na nakalaan sana sa opening day ng festival?
“Tuwing Christmas Day lagi ko namang ginagawa, namimigay talaga ako ng food sa mga streetchildren. ‘Yun pa rin ‘yung gagawin ko, ganu’n pa rin naman. Wala namang pagbabago. Uuwi kuya ko galing Abu Dhabi, so magki-Christmas siya rito,” masayang kuwento ni Ryza.
Last February pa natapos ang huling relasyon niya (with Tristan Encarnacion) at nakiusap si Ryza na huwag na itong pag-usapan. Kung anuman daw ang rason ng hiwalayan nila, sa kanila na lang iyon.
Inamin ni Ryza na si Cholo Barretto ang nagpapatibok ng kanyang puso ngayon. Isa sa mga paboritong pamangkin ni Claudine Barretto si Cholo na nakasama niya sa indie film na Ang Manananggal Sa Unit 23B na official entry sa nakaraang QCinema filmfest.
“Bago pa lang kami, magto-two months pa lang. Nagkakilala kami sa set ng Manananggal ‘tapos nagkamabutihan,” masayang kuwento ni Ryza.
Ano ang pagkakaiba ni Cholo sa mga naging boyfriend niya?
“Parang kapag kasama ko siya, feeling safe ako. Wala lang, masaya lang. Parang nahanap ko ‘yung contrast nu’ng personality ko. Kapag magkasama kami parang ang saya lang.”
Sa loob ng mahigit dalawang buwang relasyon, hindi pa sila nagka-clash o nagkaroon sila ng pagtatalo kahit magkaiba ang kanilang personalidad.
“Hindi. Wala. Never pa kaming nagtalo. Kaya masaya lang kapag kasama ko siya,” kuwento ng dalaga.
Sa tingin ni Ryza, bakit nag-work yung relationship nila ni Cholo?
“Siguro sa mga interest namin. Nagkakaintindihan kami and ‘yun nga, ka-contrast ko siya, eh, so iba kapag magkaiba kayo ng personality kaya hindi kayo nagtatalo,” pagtatapos ni Ryza. (LITO MAÑAGO)