Aprubado na sa Senado ang P3.35 trilyon na panukalang 2017 budget, at P1.420 trilyon dito, o halos 40 porsiyento, ang napunta sa social services, at tatalakayin na rin ng dalawang kapulungan sa susunod na linggo.
Inilarawan ni Senate President Aquilino Pimentel III na ang budget para sa susunod na taon ang pinakamabilis na naaprubahan sa kasaysayan ng bansa.
Ang Department of Education (DepEd) ang may pinakamalaking budget, na umabot sa P546.62 bilyon, habang P443.76 bilyon naman ang inilaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at P155.15 bilyon sa Department of Health (DoH).
Nasa P147.8 bilyon naman ang nakuha ng Department of Interior and Local Government (DILG), P135.04 bilyon sa Department of National Defense (DND), at P128.31 bilyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang Philippine National Police (PNP) ay nakatanggap ng P111.26 bilyon at P130.742 bilyon ang inilaan para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).