MILWAUKEE (AP) – Ratsada ang Bucks, sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo sa third period, para pilayan ang Cleveland Cavaliers tungo sa 118-101 panalo nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Hataw ang Bucks sa naiskor na 34 puntos sa third quarter, habang nalimitahan ang Cavaliers sa 20 puntos, para madomina ang defending NBA champion tungo sa ikapitong panalo sa 15 laro.

Kumubra si Antetokounmpo sa naiskor na 34 puntos mula sa 13-of-19 field goal para sandigan ang Bucks sa ikalawang sunod na malaking tagumpay matapos gapiin ang Orlando Magic.

Nag-ambag sina Jabari Parker at Michael Beasley ng 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naputol ang winning streak ng Cavs sa apat na laro.

Nanguna si LeBron James sa naiskor na 22 puntos mula sa 8-of-16 shooting, habang tumipa si Kyrie Irving ng 20 marker at nag-ambag si Kevin Love ng 13 puntos.

MAGIC 95, SPURS 83

Sa AT&T Center, nagkalat ang San Antonio Spurs sa sariling tahanan sapat para maitakas ng Orlando Magic ang malaking panalo sa pagkadismaya ng home crowd.

Dikitan ang laban sa first half at may pagkakataong nakaabante ang Spurs sa anim na puntos, ngunit nagpakatatag ang Magic para maagaw ang bentahe sa halftime, 45-43.

Sa third period, nanatiling dikdikan ang laban bago humulagpos ang Magic sa naibabang 16-6 run para makuha ang 75-64 bentahe sa pagtatapos ng third period.

Napalawig ng Magic ang abante sa 15 puntos (91-76) may 1:43 ang nalalabi sa laro.

Nagsalansan si Serge Ibaka ng 18 puntos para pangunahan ang limang Magic na umiskor ng double digit para tuldukan ang four-game losing, gayundin ang 11-game losing streak sa kamay ng Spurs.

Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs sa nakubrang 21 puntos. Naputol ang nine-game winning streak ng San Antonio.

JAZZ 120, ROCKETS 101

Sa Salt Lake City, nagdiwang ang home crowd nang pabagsakin ng Utah Jazz ang Houston Rockets.

Tumipa si Gordon Hayward ng season-high 31 puntos para sandigan ang Jazz sa ika-11 panalo sa 19 laro.

Nag-ambag sina Rodney Hood na may 19 puntos at Rudy Gobert na umiskor ng 16 puntos at 14 rebound.

NETS 127, CLIPPERS 122 (2OT)

Sa Brooklyn, nakumpleto ni Sean Kilpatrick ang three-point play may 13 segundo ang nalalabi sa ikalawang overtime para gabayan ang Nets kontra sa liyamadong Los Angeles Clippers.

Naisalpak ni Kilpatrick ang short jumper at free throw mula sa foul ni DeAndre Jordan para ibigay ang panalo sa Nets.

Hataw ang Nets guard ng kabuuang 38 puntos, habang nagsalansan si Brook Lopez ng 27 puntos para sa ikalimang panalo ng Nets sa 17 laro.

Nakamit ng Clippers ang ikatlong sunod na kabiguan.

Samantala, nagtumpok si NBA scoring leader Anthony Davis ng 41 puntos para pangunahan ang New Orleans Pelicans sa 105-88 dominasyon kontra Los Angeles Lakers.