Determinado ang militar na kaagad tuldukan ang kaguluhang sinimulan ng Maute terror group na sumalakay sa Butig, Lanao del Sur noong nakaraang linggo, kasabay ng pagkumpirmang umabot na sa 40 miyembro ng grupo ang napatay sa engkuwentro hanggang kahapon.

Ayon kay Marine Col. Edgard A. Arevalo, hepe ng Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office (AFP-PAO), nasa 20 sundalo naman ang nasugatan sa patuloy na umiigting na opensiba ng militar laban sa mga terorista.

Sinabi ni Arevalo kahapon na patuloy na umuusad ang tropa para tuluyang makorner ang Maute, na kinubkob ang isang luma at abandonadong munisipyo at ilang pasilidad sa Butig.

Nasa 2,450 pamilya, o 12,250 katao naman mula sa 11 barangay sa Butig ang inilikas upang makaiwas sa bakbakan, ayon naman sa Lanao del Sur Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Maharlanny Alonto, ng Lanao Sur PSWDO, na kasalukuyang nakatuloy sa evacuation center ang mga apektadong pamilya.

Matatandaang kinumpirma ni Pangulong Duterte nitong Lunes ang kaugnayan ng Maute sa international jihadist group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

“We are not good today because finally, finally the intelligence community advised me that ISIS has connected with a group in the Philippines called the Maute. There’s a raging war now in Lanao,” sinabi ng Presidente nang dumalo siya sa ceremonial switch on ng 135-megawatt coal-fired power plant ng Palm Concepcion Power Corp. (PCPC) sa Malacañang nitong Lunes. (Fer Taboy, Francis Wakefield at Elena Aben)