UMAASA ang gobyerno at ang Communist Party of the Philippines (CPP) na matatapos ang kanilang usapang pangkapayapaan sa lalong madaling panahon at maipatutupad ito “habang siya (Pangulong Duterte) pa ang presidente ng bansa”, sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza sa isang pulong sa mga European ambassador nitong Biyernes.
Inaasahan nating ang kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno sa CPP, sa armado nitong sangay na New People’s Army (NPA), at sa sangay nitong pulitikal na National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay magkakaroon na ng katuparan sa loob ng ilang buwan, dahil na rin sa mainit na ugnayan ng magkabilang panig nang imbitahan ng Malacañang ang mga dating nakapiit na opisyal ng CPP sa isang hapunan at sa paglulunsad ng usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway, ilang linggo lamang makaraang magsimula ang bagong administrasyon.
Ngayon, mistulang walang kasunduang maaasahan sa malapit na hinaharap. Inaasahang maisasakatuparan na ang kapayapaan habang si Duterte ang Pangulo ng bansa, o sa madaling sabi, sa susunod na anim na taon.
Tunay na mayroong ilang kritikal na usapin na hindi napagkakasunduan ng magkabilang panig. Sa isang forum sa Baguio City, sinabi ni Luis Jalandoni, senior adviser sa negotiating panel ng NPFP, na sa susunod na usapang pangkapayapaan sa Enero 18-25 na idaraos sa Rome, Italy, hihilingin ng NDFP na tapusin na ang tinatawag nitong hindi patas na mga tratado ng bansa sa United States, gaya ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Mayroong iba pang mga isyu na tatalakayin sa magiging pag-uusap, diskusyon tungkol sa repormang pang-ekonomiya, pagkilala sa mga ancestral domain, reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Bago pa man matalakay ang mga pangunahing usapin na ito, kailangan munang magkasundo ng dalawang partido sa mga kondisyon ng tigil-putukan sa magkabilang panig at inakusahan ng NDFP ang sandatahan ng Pilipinas ng paglabag sa tigil-putukang ito na magkahiwalay na idineklara ng magkabilang panig.
Ngunit ang hinihiling na pagbibigay-tuldok sa umiiral na ugnayan ng Pilipinas at Amerika, na masusing nakakawing sa isang kasaysayan ng daan-daang taon na nakalipas hanggang sa dumating ang kapangyarihang militar ng Amerika sa ating mga isla, ang marahil ay pinakamalaking balakid sa pagkakasundo sa kapayapaan kasama ang CPP-NPA-NDFP. Nagpahayag man si Pangulong Duterte ng ilang patutsada laban sa Amerika, ngunit nilinaw na inirerespeto niya ang lahat ng tratadong nilagdaan ng Pilipinas sa lahat ng bansa.
Sa pahayag ng tagapayo ng NDFP na hihilingin niya ang pagpapawalang-bisa sa mga umiiral na tratado ng bansa sa Amerika, nakikinita na natin ang mas mahaba pa nating tatahakin. Ngunit dapat na manatili tayong puno ng pag-asa na sa mga susunod na buwan at taon, makasusumpong ng pinakamainam na kasunduan ang ating mga negosyador upang sa wakas ay maresolba na ang suliraning matagal nang itinuturing na isang napakalaking hamon para bigyang solusyon.