Dalawang babae, isa sa kanila ay dating Binibining Pilipinas candidate habang ang isa nama’y suspected big-time drug pusher, ang naaresto sa buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Kinilala ni Police chief Insp. Wilfredo Sy, ng Manila Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang mga naaresto na sina Mariafe Garlit, 1992 Bb. Pilipinas candidate, 46, ng 1566 JP Laurel Street, San Miguel, Maynila; at Ma. Lovella Rival, 43, ng 1721 Lardizabal Extension, Sampaloc, Maynila, na pangatlo umano sa listahan ng mga drug suspect na tinutugis ng Manila CIDG.
Ayon kay Sy, dakong 2:30 ng hapon kamakalawa nang madakip ng pinagsanib na puwersa ng Manila CIDG, Manila Police District (MPD)-District Special Operations Unit (DSOU) at District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU), ang mga suspek sa buy-bust operation na ikinasa sa 71C M Dela Fuente St., Sampaloc.
Nakumpiska ng mga pulis mula kay Rival ang tatlong plastic sachet ng shabu at P500 marked money habang nakuha naman kay Garlit ang isang aluminum foil na may shabu residue, improvised tooter, lighter na may improvised burner, at dalawang plastic sachet ng shabu.
“Nagme-maintain si Lovella ng drug den, P10, puwede mo nang gamitin doon. May karatula siya dun,” ani Sy. “Medyo tago (ang lugar) dahil nasa may alley siya ng Dela Fuente, eh. Pero sa ganyang mga lugar, mabilis namang magsisialis ‘yan ‘pag may bagong mukha. Shanty type siya.”
Ang mga suspek ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)