Dalawang bandidong Abu Sayyaf na nangingikil umano sa maliliit na mangingisda ang napatay makaraang makipagsagupaan sa mga pulis at mga operatiba ng Philippine Navy (PN) sa karagatan ng Zamboanga City nitong Lunes.
Ayon kay Captain Lued L. Lincuna, director ng Naval Public Affairs Office, nangyari ang engkuwentro nitong Lunes ng tanghali.
Aniya, nagpapatrulya ang intelligence, fast crafts at naval special operations personnel kasama ang mga pulis sa Sitio Niyog-Niyog, Barangay Muti, Zamboanga City, nang makabakbakan nila ang Abu Sayyaf Group (ASG), na pinamumunuan ng sub-leader na si Marzan Ajijul.
Sinabi ni Lincuna na namataan ng mga tauhan ng Navy at pulisya ang isang motorized pump boat sa lugar na kinalululanan ng dalawang miyembro ng ASG habang nangingikil umano sa mga maliliit na mangingisda.
Nanlaban umano ang dalawang bandido at pinaputukan ang mga awtoridad.
Ayon kay Licuna, tumagal ng 15 minuto ang bakbakan at nakasasam din ng isang .45 caliber pistol, isang granada, at isang plastic sachet na may hinihinalang shabu. (Francis T. Wakefield)