ISANG multi-bilyong dolyar na koleksiyon ng Impressionist art na pinaniniwalaang pag-aari ng rehimen ng dating diktador ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos ang limang taon nang nakalagak sa isang bodega sa Brooklyn, at paksa ng isang masalimuot na labanang legal.
Isyu ngayon kung ang 50 obra — na kinabibilangan ng iginuhit ni Claude Monet noong 1881 — ay dapat na mapunta sa libu-libong biktima ng matagal nang pumanaw na diktador, sa kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas, o sa personal secretary ni Imelda Marcos, na iginiit na karapatan niyang ipamigay ang ilan sa mga obra bilang regalo.
“It’s a question of who is the owner and who is entitled,” sabi ni Robert Swift, isang human rights attorney na kumakatawan sa halos 10,000 biktima ng rehimeng Marcos at noong 2011 ay nanalo sa isang desisyon kontra kay Marcos, sa mga ari-arian nito at sa asawang si Imelda.
Partikular na interesante sa matagal at may sari-saring hurisdiksiyon na kaso ang isang 1899 Monet mula sa seryeng “Water Lilies” na tinatawag na “Le Bassin aux Nymphéas”, na ipinagbili ng secretary na si Vilma Bautista sa halagang $32 million noong 2010. Ang iba pang prominente sa koleksiyon ay ang tatlong iba pang kilalang obra na nananatili sa taguan ng mga ito—ang iginuhit ni Alfred Sisley noong 1897, ang “Langland Bay”; ang “L’Eglise et La Seine a Vetheuil” ni Monet noong 1891; at ang “Le Cyprès de Djenan Sidi Saïd” ni Albert Marquet noong 1946.
Parehong naniniwala ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), na itinatag upang bawiin ang bilyun-bilyong dolyar na assets na pinaniniwalaang kinolekta sa buong 14-taong rehimeng Marcos, at si Swift na mayroon silang karapatan upang angkin ang mga obra.
“My client has nothing against the human rights victims,” sabi ni Casey Murphy, ang Amerikanong abogado na kinatawan ng PCGG. “Our point is, if these were paintings accumulated through misappropriated funds, they should go to all Filipinos and not just one class of people and their lawyers.”
At nariyan pa si Bautista — ngayon ay 78 anyos na — na kumita ng $28 million nang ibenta niya ang isa sa mga obra sa isang korporasyong Panamanian na kontrolado ng isang art gallery sa London. Ipinagbili naman ng gallery ang obra sa isang British hedge fund manager sa Switzerland sa halagang $43 million, ayon sa mga dokumento sa korte.
Nagbayad ang hedge fund manager ng $10 million sa mga kliyente ni Swift. Determinado naman ang gobyerno ng Pilipinas na mabawi ang mga obra.
Kinasuhan sa New York City si Bautista sa kabiguang idetalye ang nasabing bentahan sa kanyang tax returns noong 2010, at noong 2013 ay hinatulan siya sa mga kasong conspiracy, tax fraud at iba pa. Nasa $15 million halaga rin ng kanyang pera ang hindi ipinagalaw ng korte.
Umapela at nakalalaya ngayon, iginiit noon ng mga abogado ni Bautista na karapatan niyang ibenta ang Monet, na pag-aari ni Imelda ngunit iniregalo na sa kanya.
Sa huli, nakasalalay ang desisyon sa isang federal judge sa Manhattan para matukoy kung sino ang karapat-dapat umangkin sa mga obrang nabawi mula sa mga Marcos. (Associated Press)