Bagito sa liga, ngunit beterano sa laban si Mac Belo.
At ang malawak na karanasan sa international competition bilang miyembro ng Gilas Cadet ang naging sandata ng 6-foot-4 forward para makasabay sa mga beteranong karibal sa season-opening OPPO-PBA Philippine Cup.
Ang matikas na all-around game ni Belo ang naging susi sa dalawang panalo ng Blackwater Elite para pangunahan ang prangkisa sa maagang liderato.
Naitala niya ang averaged 21 puntos, 7.5 rebound at 1.5 steal sa back-to-back wins ng Elite kontra Phoenix at 2016 Governors’ Cup runner-up Meralco.
Dahil sa kahanga- hangang laro na kanyang ipinamalas, nakuha ng dating Far Eastern University standout ang unang Accel-PBA Press Corps Player of the Week ng PBA 42nd season.
Tinalo ni Belo para sa lingguhang citation sina three-time PBA MVP June Mar Fajardo at Alex Cabagnot ng San Miguel Beer, GlobalPort high-scoring guard Terrence Romeo, TNT forward Ranidel de Ocampo, sophomore big man Bradwyn Guinto at Sean Anthony ng NLEX.
Pinili ng Blackwater sa nakaraang special draft para sa Gilas player, hindi sinayang ni Belo ang pagkakataon upang ipakita ang kanyang kakayahan matapos magtala ng 17 puntos at siyam na rebound sa kanilang unang laro para tulungan ang Blackwater sa 94-87 panalo kontra Phoenix noong Miyerkules.
Kasunod nito, nagposte naman ang pride ng Midsayap, Cotabato ng 25 puntos, anim na rebound, tatlong steal at dalawang block upang pamunuan ang Elite kontra Meralco Bolts, 86-84.
Ngunit, ayon kay Belo malayo pa ang kanilang pagdaraanan para sa minimithing tagumpay.
“Kailangan lang patuloy yung pag-improve namin. Kailangan din patuloy lang magpakundisyon kasi mai-scout din tayo ng ibang team sa kalaunan,” pahayag ni Belo. (Marivic Awitan)