NABASA na sa lahat ng pahayagan, napakinggan na sa radyo at napanood na sa telebisyon ang mga hinaing ng movie producers at artistang hindi napili sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Malumanay itong tinanggap nina Mother Lily Monteverde, producer ng Mano Po 7: Chinoy; Vice Ganda at Coco Martin bida ng The Super Parental Guardians kaya nagpasya na silang ipalabas ang mga pelikula nila bago pa man ganapin ang MMFF.
Hiningan din namin ng komento ang line producer na si Omar Sortijas ng pelikulang Die Beautiful na pagbibidahan ni Paolo Ballesteros na pinalad namang mapili sa MMFF.
Bagamat ang Regal Entertainment ang magre-release ng Die Beautiful ay indie film pa rin ito sabi ni Mother Lily na nagpahayag ngang marami nang sariling festival at ang Pasko ay para naman sa mga bata.
Paniniwala naman ni Omar, “MMFF is a yearly festival. Madami nagsa-submit, taun-taon meron napipili at meron din namang hindi. Kapag nag-quantify tayo based sa quality, it is really subjective. But we must all remember na may panel na naatasang pumili ng mga pelikulang makakapasa.
“When we all submitted, wala naman sinabi na indie or commercial lang ang puwedeng mag-submit. Lahat ‘yan pelikula.
Ang objective ng lahat is mai-share sa bawat Pilipino ang produktong pinaghirapan naming lahat. Sana wala na lang labels kung indie or commercial, lahat ‘yan pelikula, pelikulang Pilipino. The objective is always to make this Christmas a beautiful Christmas.”
May punto rin naman.
Samantala, sa panayam namin kay Paolo sa grand welcome sa kanya ng mag-inang Mother Lily at Ms. Roselle Monteverde-Teo, sinabi niya na ayaw niyang mapanood ng anak niyang pitong taong gulang ang Die Beautiful. Hindi na nag-elaborate ang TV host/actor kung bakit, pero siguro dahil masyadong sensitive ang tema ng Die Beautiful na tumatalakay sa buhay ng isang transgender.
“Hindi ako aware if nasabi nga ni Pao ‘yun,” reaksiyon ni Omar. “We are still waiting for the final verdict of MTRCB as they screen our film this week. Ang wish naman naming lahat is sana mas maraming Pilipino ang makapanood ng pelikula namin, mapabata o matanda man.
“Na-appreciate ng audience sa Tokyo at Toronto, its about time na mga kababayan naman natin ang makatuklas kung bakit minamahal ang pelikula naming Die Beautiful sa ibat ibang panig ng mundo.”
Mapapanood ang Die Beautiful simula sa Disyembre 25 at bukod kay Paolo ay kasama rin sina Joel Torre, Gladys Reyes, Luis Alandy, Albie Casiño, Christian Bables, Inah de Belen, IC Mendoza, Cedrick Juan, Lou Veloso, Iza Calzado at Eugene Domingo mula sa direksiyon ni Jun Lana produced ng Idea First at Octobertrain. (Reggee Bonoan)