Kung hindi magbabago ang hampas ng hangin, muling mapapanood ang husay sa outside shooting ng tinaguriang ‘El Granada’.
Ayon sa malapit na kaibigan ni dating Gilas mainstay Gary David, nagparating ng interest ang Mahindra para makuha ang serbisyo ng dating three-time scoring champion.
Matatandaang ibinasura ng San Miguel Beer ang 38-anyos na si David bago ang pagbubukas ng ika-42 season. Isa nang ganap na ‘unrestricted free agent’ si David at ayon sa kanyang manager na si Danny Espiritu, marami pang kayang gawin ang dating Lyceum superstar.
Wala pang opisyal na alok ang Mahindra, ngunit ipinatawag na umano si David para makisama sa ensayo ng koponan sa training facility ng koponan sa Azure Urban Resort.
“Wala pang definite, pero pinageensayo na sila si Gary (David),” ayon sa naturang source na tumangging pabangit ang pangalan.
Aniya, hindi naman magiging usapin ang kontrata kung sakali.
Matatandaang, tumatanggap ng maximum P420,000 kada buwan si David bago naistsapuwera sa Beermen.