Hinamon ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at delegation head Charles Maxey ang mga atleta ng Davao City na magpursige at gawin ang makakaya para sa matagumpay na kampanya sa 9th BIMP-EAGA (Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines- East Asia Growth Area) Friendship Games na nakatakda sa Disyembre 6-12 sa Samarinda, East Kalimantan, Indonesia.

“Play your best. Patunayan natin na mahuhusay ang Pinoy,” pahayag ni Maxey sa final briefing ng delegasyon nitong weekend sa Pinnacle Hotel and Suites sa Davao City.

Nauna rito, inaayos na rin ng PSC ang pangangailangan ng Puerto Princes, Palawan delegation sa BIMP-EAGA meet. Ang Palawan at Davao City ang focus area ng Friendship Games.

“Bahagi rin ito ng grassroots sports program ng PSC. Yung mga atleta na mangunguna rito, mairerekomenda rin natin sa NSA’s para mas mabantayan at maalagaan ang kanilang training,” sambit ni Maxey.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pangungunahan ang Team Davao ng men’s volleyball na siyang defending champion sa torneo.

Ayon kay coach Abet Bernan, hindi na makalalaro sina Calvin Sarte at Francis Caunga, bahagi ng gold medal team noong 2014 edition, ngunit nakuha nila ang promising na sina Ashley Jacob ng University of Mindanao at Rex Paller ng Jose Maria College.

"I think our edge is that both of our players are six-footers and that will give us a blocking and hitting advantage on the court," pahayag ni Bernan.

Target naman ni Jolly Mae Gabaisen ng Holy Cross of Davao College na maimproved ang silver medal na napagwagihan niya sa women's 1,500-meter run bunsod na rin nang puspusang pagsasanay.

Tanging ang 20-anyos na si Gabaisen, HRM graduating student, ang natira sa koponan ng Davao athletics team na sumabak noong 2014.

"I will do my best to win the gold this time as I am more prepared but I still expect the Sabah runners as force to reckon with)," aniya.

Sasabak din siya sa 800-meter run at 4X400m relay.

May kabuuang 136-member delegation ang Team Philippines na kinabibilangan ng atleta, coach, official at local government units (LGUs) mula sa Palawan at Davao City.

“This is part of our effort to strengthen sports ties and rekindle the spirits of friendship and camaraderie the East Asia region,” pahayag ni Maxey.

Ang Palawan delegation na binubuo ng 42 atleta, coach at official ay sasabak sa athletics, archery, lawn tennis, table tennis, at sepak takraw.

Lalaban naman ang Davao City delegation na binubuo ng 86 atleta, coach at official sa athletics, badminton, basketball, penchak silat, karate, beach volley, lawn tennis, at sepak takraw. (Edwin G. Rollon)