MARAMING samahan at organisasyon na itinatatag sa ating bansa at maging sa mga lalawigan na may kanya-kanyang layunin at dahilan ng pagbuo. Makatutulong itp sa ating mga kababayan, lalo na sa mahihirap at kapuspalad. At upang maisakatuparan ang pagtulong ay naglulunsad ng mga proyekto o programang pakikinabangan ng ating mga kababayan. Iba’t ibang proyektong pantao, hindi naghihintay ng kabayaran o gantimpala kundi ang maging tagumpay ang proyekto o programang mahalaga at makabuluhan.
Mababanggit na lantay na halimbawa ang pamunuan at mga miyembro ng Angono Lifesavers, Incorporated (ALSI), isang samahan sa Angono, Rizal na binubuo ng kabataang lalaki at babae at mga propesyonal na may mga diwang sibiko o civic-minded at nasa puso at kalooban ang matapat na pagtulong sa mga kababayan. Isa sa inilunsad na proyekto ng Angono Lifesavers, Inc nitong Nobyembre 27 ay ang Blood Letting o ang pag-aalay ng dugo. Tinawag ang proyekto na “Dugo Ko, Alay Ko” at idinaos sa Angono Private High.
Ayon kay G. Heldicks Juliano, isa sa mga opisyal ng Angono Lifesavers, Inc., ang Blood Letting ay ang ika-30 na simula nang ilunsad ng samahan. Umaabot sa mahigit 200 kabataang babae at lalaki ang naging blood donor mula sa Angono, Taytay, Binangonan, Cainta at San Mateo. Bawat isa sa kanila ay nakuhanan ng 450cc ng dugo. Ang mga medical team ng Rizal Medical Center at Philippine Blood ang nangasiwa sa Blood Letting, sa pakikipagtulungan ng mga estudyante ng Angono Private High School.
Sa bahagi naman ng pahayag ni G. Bernard Laca, Jr. presidente ng Angono Lifesavers. Inc., ipinaliwanag niya na ang nakuhang dugo sa mga blood donor ay pakikinabangan ng mga taga-Rizal, lalo na ng mga taga-Angono na mahihirap at walang kakayahang bumili ng dugo. Ang dugo ay ilalagak sa blood bank ng Rizal Medical Center at Philippine Blood Center, at ibibigay nang libre sa mga nangangailangan nito.
Simple lamang ang paraan upang makakuha ng dugo. Ang pasyente o ang kamag-anak nito ay kukuha ng referral letter sa Angono Lifesavers, Inc., ipakikita ang nasabing sulat sa Philippine Blood Center o sa Rizal Medical Center, at makukuha na ang dugong kailangan.
Natapos ang blood letting dakong 2:00 ng hapon. Matapat na nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan at miyembro ng ALSI sa mga blood donor,... sa medical team ng Philippine Blood Center at Rizal Medical Center, sa mga estudyante ng Angono Private High at sa iba pang indibiduwal na nakiisa at sumuporta sa proyekto ng Angono Lifesavers.
Bagamat nakadama ng pagod, hindi ito pinansin ang mga nakiisa at tumulong sa blood letting project. Para sa kanila, ang mahalaga’y nakatulong sila sa tagumpay ng makabuluhang proyekto ng ALSI na ang makikinabang ay ang ating mahihirap na kababayan.
Ang susunod na blood letting ay gagawin sa unang quarter ng 2017. (Clemen Bautista)