DAVAO CITY – Isang mag-asawa ang iniimbestigahan sa pagkakasunog ng 45 bahay at ng isang bahagi ng Agdao Elementary School sa Barangay Tomas Monteverde nitong Linggo.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsimula ang sunog dakong tanghali.
Ayon sa pulisya, nahaharap sa kasong arson sina Terries Sarway Bandillan, 21, tricycle driver; at Jean Martin Tay, 24, sales lady, kapwa taga-Purok 7, Bgy. Tomas Monteverde.
Narinig umano ng mga kapitbahay ang malakas na pagtatalo ng dalawa bago sumiklab ang sunog.
Ayon sa ilang residente, posibleng ang mag-asawa ang nagsimula ng sunog dahil narinig nilang nagbanta ang isa sa mga ito na susunugin ang kanilang bahay.
Bago lamang sa lugar sina Bandillan at Tay.
Sinabi pa ng ilang kapitbahay na napaulat na binuhusan ni Bandillan ng gasolina ang mga damit ng kanyang asawa.
Walang nasaktan sa sunog, at inaalam pa ng BFP ang pinsalang dulot nito.
Kasalukuyan namang kinukupkop ng pamahalaang lungsod ang mga nasunugan sa kalapit na gym. (YAS D. OCAMPO)