MELBOURNE, Australia (AP) — Nagpakatatag sina Soren Kjeldsen at Thorbjorn Olesen ng Denmark sa harap nang matinding hamon ng China, France at Sweden sa final round para makamit ang World Cup nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Kingston Heath.

Naitala ng Denmark ang six-under 66 sa best-ball format para sa kabuuang 20-under 268, apat na puntos ang bentahe sa China (65) , France (63) at US (66).

Nahulog sa laylayan ng 20-nation tournament ang tambalan nina Miguel Tabuena at Angelo Que ng Pilipinas sa tinapos na 70 para sa kabuuang 291.

“Our mental strength is keeping calm and playing our own game. I wasn’t too worried, I thought the birdies would come on the back nine and they did,” pahayag ni Olesen.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nakadikit sa isang stroke ang Chinese duo na sina Ashun Wu at Haotong Li sa back nine, bago nakabawi si Kjeldsen sa naiskor na birdie. Sa No.15, ang France naman ang nakalapit nang makaiskor ng birdie si Victor Dubuisson, subalit may sagot ang Denmark, sa pagkakataong ito mula sa 7-foot putt birdie ni Olesen.

Nakadikit din ang tambalan nina Alex Noren at David Lingmerth ng Sweden, naglaro apat na grupo sa unahan, sa natipang 10-under 62, subalit tumapos lamang sila sa ikalima.

Ito ang kauna-unahang World Cup title ng Denmark. Huling nakalapit sa titulo ang tambalan nina Thomas Bjorn at Olesen sa tinapos na third place sa Royal Melbourne noong 2013.