Ni REGGEE BONOAN
PINIPIGILAN sana ni Michael Pangilinan na tumulo ang kanyang luha nang makatsikahan namin nitong Sabado, nang mapag-usapan ang anak na inasahan niyang makikita nang araw na iyon, kaarawan niya. Pero hindi niya kinaya, bumigay na rin siya.Ilang buwan nang itinatago ang bata sa kanya ng ina nito.
“Bago ako pumunta rito (concert venue), isa lang ang ‘pinagdasal ko, sana maghimala na, biglang iakyat (sa stage). ‘Yun lang po ang wish ko, sana makasama ko ang baby ko,” sabi ni Michael.
“Kung ayaw niya dalhin, ipasuyo man lang na ihatid niya o kaya ‘wag siyang bumaba ng sasakyan, okay na ako. Malaking bagay ‘yun, kasi birthday ko, debut ko, kasama ko ang anak ko. ‘Yun ang buhay ko, ‘yung anak ko.
“Kung matino siya (ina ng bata), birthday nu’ng tatay ng bata, debut pa, ano ba naman ‘yung mag-effort siya. Maski 30 minutes lang. Kung may problema sila sa akin, o may problema tayo, problema natin, tayo ang magharap, ‘wag mong idaan sa bata para saktan ako. Napakasakit po, lagi akong umiiyak,” garalgal ang boses na sabi ng singer.
“Happy birthday to me,” pilit ang ngiting dugtong niya.
Nang minsang nagpainterbyu si Michael tungkol sa anak ay pinagbintangan siyang ginagamit niya ang bata para mapag-usapan at sumikat. Mariin itong itinanggi ng binatang ama.
“Hindi po totoo ‘yun, sa totoo lang, hindi ko kailangang sumikat. Maski wala po akong show, hindi ako sumikat, basta’t kasama ko lang ang anak ko, kumakain kami ng tatlong beses sa isang araw, masakit lang po talaga,” katwiran ni Michael.
Walang ibang hinihiling ngayon sa buhay si Michael, hindi niya pinapangarap na magkaroon ng bagong sasakyan o bahay, dahil ang tanging hiling niya ay makasama ang anak o ipahiram man lang ang anak tuwing weekend.
“Magbi-birtdhay ang anak ko sa December 15, sana man lang makasama ko siya o maski na before kasi tiyak may party sila para sa anak ko, before man lang sa akin siya para naman maipaghanda ko rin. ‘Wag naman after December 15, kasi wala nang saysay ‘yun,” sabi pa ni Michael.
Samantala, lubos ang pasasalamat ni Michael kay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa pagbibigay sa kanya ng pahintulot at suporta na isagawa ang kanyang free concert sa Rajah Sulayman Open Park nitong nakaraang Sabado na dinaluhan ng senior citizens ng Kamaynilaan.
Ang anak ni Erap na si Jerika Ejercito ang naging in-charge sa pagpapatayo ng magandang stage at malalaking bubong na lona para hindi mabasa ang mga manonood. May mahabang tent din na air-conditioned para sa guest performers. Si Jake Ejercito ay isa rin sa mga bumati sa may kaarawan.
“This is the best concert I ever had kasi nakapag-give back ako sa mga sumusuporta sa akin at ang ganda talaga ng venue, hindi ko akalaing ganito pala kaganda kapag inayos, hindi ko kasi ito gaano napapansin,” sabi pa ni Michael.