Ni Angie Oredo
Kung matutuloy ang planong pagsasaayos sa Rizal Memorial Sport Complex, mananatili na lamang kasaysayan ang mga kaganap at karanasan sa pinakamatandang sport complex sa bansa.
Batay sa pahayag ni Manila Mayor Erap Estrada, isinasaayos na ang plano para sa pagpapatayo ng makabagong mall na siyang ipapalit sa RSMC na naging tahanan ng mga atletang Pinoy sa nakalipas na walong dekada.
Wala pang pormal na pahayag ang Philippine Sports Commission (PSC) hingil dito, ngunit puspusan na rin ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Bases Convertion and Development Authority (BCDA) para makapagpatayo ng ultra-modern sports center na magiging bagong tahanan ng mga atleta at ng Philippine Sports Insititute (PSI).
Mahabang panahon na ang usapin para ilipat sa mas maayos na lugar ang pagsasanay ng mga atleta matapos maging ‘congested’ ang RSMC sa nakalipas na taon bunsod nang pagtatayo ng condominium at commercial establishement sa buong kapaligiran.
Itinayo ang RSMC noong 1934 at naging saksi sa hindi mabilang na kasaysayan sa sports, kabilang ang kauna-unahan at tanging hosting ng Asian Games noong 1954.
Itinuturin ding National heritage site ang RSMC.
Napinasala ito noong World War II subalit muling binuo noong 1953 para gamitin sa 1954 Asian Games bago na lamang narenovate noong 1981, 1991, 2005, 2011 at 2012.
Nasa loob nito ang boxing gym, gymnastics hall, Ninoy aquino Stadium, pencak silat gym, Philippine Center for Sports Medicine, Philippine Taekwondo Association, PSC Badminton Hall, PSC Bowling Center, Rizal Memorial Swimming Center, Rizal Memorial Coliseum, Rizal Memorial Baseball Stadium, Rizal Memorial Track and Football Stadium (National Stadium) at ang bagong gawa na Rizal Memorial Tennis Center.