SA pagsisimula ng kanyang administrasyon noong Hunyo 30, 2016, sinabi ni Pangulong Duterte na magpapalabas siya ng executive order upang maipatupad ang Freedom of Information — kahit sa Sangay lamang ng Ehekutibo. Tumupad sa kanyang pangako ang Pangulo sa pamamagitan ng nilagdaang Executive Order No. 2, Series of 2016, noong Hulyo 23.

Nitong Miyerkules, muling nagsagawa ng isang malaking pasulong na hakbang ang Malacañang nang ilunsad nito ang isang website — ang www.foi.gov.ph — na rito maaaring maghain ang publiko ng mga aplikasyon para sa impormasyon mula sa 15 ahensiya ng gobyerno. Ang karaniwang proseso ng personal na paghahain ng mga aplikasyon sa papel ay kailangan pa ring ipatupad sa ibang tanggapan ng pamahalaan.

Sa 15 tanggapan sa electronic FOI program, anim ang pangunahing kagawaran ng gabinete — ang Budget and Management (DBM), Finance (DoF), Justice (DoJ), Transportation (DOTr), Health (DoH), at Information and Communications Technology (DICT). Ngayong nasa sentro ng diskusyon ng publiko ang mga usapin sa budget at trapiko, asahan nating ang DBM at DOTr ang makakukuha ng pinakamaraming katanungan mula sa mga interesadong mamamayan.

Ang natitirang 15 ahensiya sa ehekutibo ay ang Philippine National Police, ang Philippine Statistical Authority, National Archives, ang PhilHealth, ang Government Corporate Counsel, ang mga tanggapan ng Solicitor General at Public Attorney, ang Philippine Commission on Good Government, at ang Presidential Communications Office.

Gaya ng inaasahan, ilang impormasyon ang hindi maaaring isapubliko. Kabilang sa mga impormasyong ito ang saklaw ng prebilehiyo ng ehekutibo, pambansang seguridad, proteksiyon ng publiko at personal na kaligtasan, mga record sa pagbabangko at pananalapi, at mga usaping saklaw ng mahahalagang batas, sistemang legal, mga panuntunan at regulasyon. Asahan natin ang ilang talakayan tungkol sa mahahalagang usapin — kung saklaw ba ang mga ito ng siyam na exemption — ngunit dapat din nating ipagpasalamat ang Executive Order No. 2 sa paglulunsad ng programa na napakaraming taon nang nakabimbin sa Kongreso.

Ang Freedom of Information ay ang Bill of Rights ng Konstitusyon. “Access to official records, and to documents, and papers pertaining to official acts, transactions, or decisions, as well as government research data used as basis for policy development, shall be afforded the citizen, subject to such limitations as may be provided by law,” saad sa Section 7 ng Article III ng Bill of Rights.

Sa loob ng maraming taon, pinagsikapan ng Kongreso na mapagtibay ang isang batas sa Freedom of Information. Sa wakas ay inaprubahan ng Senado ang isang gaya nito noong 2014 ngunit hindi naaprubahan ang bersiyon nito sa Kamara de Representantes. Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte na sa unang buwan niya sa puwesto ay gagawin niya ang nabigong gawin ng Kongreso sa loob ng maraming taon.

Ngunit ang Ehekutibong Sangay lamang ang saklaw ng Executive Order No. 2. Kailangan pa rin ng isang batas upang maisailalim ang mga sangay ng Lehislatibo at Hudikatura sa Freedom of Information sa kabuuan ng gobyerno. Umaasa tayong ito ang magiging susunod na hakbangin ng mga miyembro ng Senado at Kamara, sa pangunguna ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte sa Kongreso.