SA lilim ng nagtatayugang gusaling gawa sa salamin sa silangan ng Beijing, China, hindi nagmamaliw ang kuwento ng mga retirado tungkol sa mga kapatid nila at kapwa armado sa Cuba, mga kasamahang milya-milya ang layo sa kanila ngunit napag-iisa sila ng kanilang paniniwalang komunista.
Ngunit sa bulwagan ng kapangyarihan sa pusod ng Beijing, hindi na ganoon kaigting ang pagtingin sa Cuba: isa lamang ito sa mga merkado para sa sumisiglang pagluluwas ng produkto ng pribadong sektor ng China.
Sa pananaw ng pinakamalaking komunistang bansa, ang pagpanaw ni Fidel Castro ay isang paalaala kung paanong napakalaki na ng ipinagbago ng komunismo kumpara noong panahong nag-uumigting ang ideyalismo na bumida sa porma ng balbas-saradong rebolusyonaryo na nakilala bilang kahilera ng mga pinunong tulad ni Mao Zedong.
Makaraang maitatag ang isang diplomatikong ugnayan noong 1960, nagkaiba na ng tinahak na direksiyon ang ekonomiya ng dalawang bansa sa mga sumunod na dekada; nagpatupad ang China ng mga repoma sa malayang merkado noong dekada ’80 at kalaunan ay naging isang napakamakapangyarihang ekonomiya — karaniwang nakakabit pa rin sa Komunismo — habang nanindigan pa rin si Castro sa Marxism, kasabay ng paggewang ng ekonomiya ng Cuba dahil na rin sa mga ipinatupad na sanction ng Amerika.
Sa kasalukuyan, kinikilala ng dalawang bansa ang kasaysayan ng kanilang iisang ideyolohiya, ngunit ang ugnayang bilateral ay higit na tumuon sa pagtutulungan sa pagpapaganda ng mga beach resort o pamumuhunan sa Chinese telecoms. Sa pagbisita nitong Setyembre, nag-alok si Chinese Premier Li Keqiang ng suporta sa pagpapaunlad sa Cuba bilang isang “comrade and brother”, habang binati naman ni Castro ang China sa pag-unlad nito kasabay ng paghingi ng ayuda sa teknolohiyang pang-agrikultura.
“After China deepened reform and opened up in early 1990s, the development of bilateral ties between China and Cuba did not focus too much on ideology,” sabi ni Zhu Feng, dean ng Institute of International Studies sa Nanjing University. “Economic development and cooperation, which were beneficial to economic and social development in both countries, became more important.”
Nagkaroon na rin ng mga pagbabagong pulitikal ilang taon makalipas ang pamumuno ni Castro. Ibinalik na ng Cuba ang ugnayang diplomatiko nito sa Amerika noong nakaraang taon matapos ang kalahating siglo ng pagtitikisan, isang hakbanging hindi naman ikinatuwa ng China.
Sinabi ni Shi Yinhong, propesor sa pandaigdigang ugnayan sa Renmin University sa Beijing, na inaasahan na ang pagpanaw ng 90-anyos na si Castro at walang magiging pagbabago sa ugnayang China at Cuba, lalo pa’t matagal nang ipinaubaya ni Fidel ang pamumuno sa Cuba sa kanyang kapatid na si Raul.
Gayunman, ipinagluluksa pa rin ng China ang pagpanaw ni Castro, kahit pa maituturing siyang isang bayani ng nakalipas.
Nagpahatid ng telegrama si Chinese President Xi Jinping sa Cuba nitong Sabado ng umaga upang ipagluksa ang pagpanaw ng isang “dear comrade and true friend” ng mamamayang Chinese na nagkaroon ng “immortal contributions to the development of socialism around the world”.
Nagpalabas din ang mga istasyon ng telebisyon ng gobyernong Chinese ng ilang oras na footage sa makasaysayang buhay ni Castro. Kasabay nito, binigyang-pugay ng opisyal na Xinhua News Agency ng China ang isang tao “who resisted the American superpower for half a century” sa pambungad nitong balita na: “Old Soldiers Never Die”. - Associated Press