Isang 51-anyos na lalaki na hinihinalang tulak ng droga ang namatay habang arestado naman ang tatlong iba pa sa buy-bust operation ng pulisya sa Tondo, Maynila, nitong Biyernes ng gabi.

Nasawi si Reynaldo Mendoza, ng Cabesa Street, Tondo, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan matapos manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD)- Station 7 (Jose Abad Santos), habang arestado naman sina Sandra Barazan, alyas “Teresa”, 26, ng Endaya Street; Jayson Salas, alyas “Laway”, 36, ng Perlas Street; at Dominic Reyes, 42, ng Gabriela Street, pawang sa Tondo.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Charles John Duran, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 11:30 ng gabi nang ikasa nina Chief Insp. Manny Israel ang buy-bust operation laban sa mga suspek at poseur buyer si PO3 Gerry Genalope na bumili ng P200 halaga ng shabu kay Mendoza.

Inutusan naman umano ni Mendoza si Salas, na noon ay kasama nina Teresa at Reyes, na kumuha ng isang sachet ng shabu sa kanilang taguan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Gayunman, naghinala si Mendoza na pulis ang katransaksiyon at nanlaban umano ngunit napatay ng mga awtoridad.

Tinangka namang tumakas ng tatlo pang suspek ngunit naaresto pa rin sila at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. (Mary Ann Santiago)