ISA sa mga nakagugulat na phenomenon ngayon o pangyayari sa ating modernong buhay ay ang pagdami ng mga insidente ng pambabastos at pagyurak sa pagkatao ng ating kababaihan sa social media.
Ang social media universe ay ‘tila hindi na ligtas para sa kababaihan. Dito, nabubusulan ang tao, lalo na ang kababaihan, sa pamamagitan ng salita at banta na hindi kayang sabihin ng karamihan sa “totoong” buhay.
Noong 2014, may isang pag-aaral na ginawa ang Demos, isang research and policy organization sa United Kingdom. Nakita ng kanilang “Misogyny on Twitter” na sa pagitan ng December 26, 2013 at February 9, 2014, umabot ng anim na milyong beses ang paggamit sa mga salitang English na “slut” o “whore” sa Twitter. Bente porsiyento ng mga natukoy nilang insidente ng paggamit sa mga salitang ito ay nagbabanta ng karahasan. Kapanalig, wala pang dalawang buwan ang sakop ng pag-aaral na ito, at sa Twitter pa lamang, hindi pa kasama ang Facebook at iba pang social media network.
Ang nakagugulat din sa mga nakita ng report na ito, sa buong mundo ay mahigit pa sa 200,000 agresibong tweets ang inilaan para sa 80,000 katao mula Disyembre 26, 2013 hanggang Pebrero 9, 2014. Sobra pa sa kalahati ng mga nag-akda ng nagbabantang tweets na ito ay babae rin.
Nitong nakaraang araw, nakita muli natin ang ganitong pangyayari sa ating bansa. Nakita rin natin na ang pambabastos sa babae online ay hindi lamang tumatarget sa celebrities at political personalities. Kahit mga ordinaryong
mamamayan, gaya ng mga estudyante, ay target din ng online bullies. Ano’ng mga paraan ang dapat gawin ng mamamayan upang matigil na ito?
Ang impact ng online sexual harassment at cyber-bullying ay matindi. Marami na sa buong mundo ang itinulak nito sa depression, at sa suicide rin. Walang ligtas at ‘tila walang lunas para sa mga nabibiktima ang nakalalasong “hate” posts sa social media. Kahit pa burahin ang mga post na ito, isang screen capture lamang, habambuhay na maaari itong umikot sa Internet. At kay hirap itong pigilin.
Ang kalayaan sa pamamahayag ay may kaakibat na responsibilidad. ‘Tila nakakalimutan ito ng maraming cyber bullies, na biglaang nagkaroon ng lakas ng loob na mang-api sa iba sa likod ng kanilang mga computer at gadget screens. Dapat na sila ay ma-expose at dalhin sa hustisya.
Ang Justice in the World mula sa World Synod of Catholic Bishops noong 1971 ay may pahayag na akma sa ating sitwasyon ngayon. Nawa’y bigyan tayo nito ng inspirasyon upang kumilos laban sa kabastusan at pang-aapi sa social media: Ang pagkilos upang mapalaganap ang katarungan at “social transformation” ay bahagi ng ating obligasyon sa pagpapalaganap at pagsasabuhay ng Mabuting Balita ni Kristo. Ang paglaban sa misogynistic posts ay isang “act of love.” Ito ay paglaban sa lahat ng pagkamuhi at “hate” na laganap na sa social media.
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)