Mistula umanong personalan at telenovela ang isinagawang pagdinig sa Kongreso hinggil sa problema ng bansa sa ilegal na droga, matapos na isalang ang dating driver-body guard-lover ni Senadora Leila de Lima na si Ronnie Dayan.

Ayon kay Father Ranhillo Aquino, Dean ng San Beda School of Law, nakalulungkot na lumalabas sa pagdinig na personal ang atake ng mga mambabatas dahil pilit pinalulutang ang uri ng relasyon nina De Lima at Dayan, na wala naman aniyang kinalaman sa lehislasyon.

Itinuturing din ni Aquino ang hearing na pagsasayang lamang ng oras ng Kongreso at salapi ng bayan na dapat umanong ginagamit sa makabuluhang bagay at kapakinabangan ng mamamayan.

“Number 1, ako’y nalulungkot, una many of the questions had to do with matters that should not have been brought out in public. Everybody is entitled to a measure of self respect so things having to do with personal relations that do not have anything to do naman with legislation, dapat hindi na hinalungkat, Nobody wants his private life exposed in public, and I could not help the feeling that some legislators were actually enjoying these details na wala namang kinalaman sa legislation,” ani Aquino sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Number 2, I am sad because in my own discernment, Ronnie Dayan was not telling the complete story in so far as his connection with other suspected personalities in the drug trade is concerned and Number 3, I’m sad because we have consumed a lot of legislative time on tele-dramas like this that could have been better use for other purposes,” aniya pa.

Si De Lima ay inakusahan ng pamahalaan na protektor ng ilegal na droga, at nangolekta umano ng drug money sa pamamagitan ni Dayan, mula sa mga drug lord sa New Bilibid Prisons (NBP) para umano magamit niya sa kanyang pangangampanya bago mag-Mayo.

Samantala, umaasa si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity, na tunay na mabibigyang kasagutan ng mga isinasagawang imbestigasyon ang dahilan ng pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., na itinuturing na isa sa extrajudicial killings sa war on drugs ng pamahalaan.

Pangamba ng Obispo, mauuwi lamang sa wala ang mga kasalukuyang imbestigasyon ng Department of Justice, Philippine National Police at maging ng Senado dahil sa impluwensya ng mga nasa likod ng naganap na insidente.

Dahil dito, hinimok ng Obispo ang bawat isa na maging mapagmatyag at hindi basta na lamang manahimik sa mga pang-aabuso na maaaring gawin ng mga awtoridad. (Mary Ann Santiago)