Umapela si Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa pamilya ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na huwag gamitin ang kanilang ama para maisulong ang kanilang pansariling ambisyon.

“Nananawagan ako sa pamilya ng yumaong Ferdinand Marcos. Huwag sanang gamitin ng mga buhay ang bangkay ng yumao para sa kani-kanilang pangarap at ambisyon,” ayon kay Villegas.

Ang nasabing pahayag ay ipinalabas ni Villegas, ilang araw matapos maihimlay sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ang labi ng dating strongman.

Ayon kay Villegas, sa halip na ‘honor’, mas kinakailangan ngayon ng yumaong pangulo ang panalangin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Sa katayuan ng yumaong Ferdinand Marcos, hindi na niya kailangan ang parangal sa libingan. Ang kailangan niya ay dasal. Hindi madaragdagan ang kanyang kapayapaan sa kabilang buhay sa pamamagitan ng puntod sa Libingan ng mga Bayani,” dagdag pa ni Villegas. “Ang pinakamahalagang parangal sa yumao ay hindi isang magandang puntod. Mas mahalaga ang panalangin kaysa sa marangyang libingan.”

“Ang parangal sa yumao ay iginagawad nang kusa, hindi pinagpipilitang ibigay. Ang parangal sa yumao ay hinihintay na ipagkaloob, hindi ipinaglalaban na makuha kahit ano ang mangyari,” pahayag pa ni Villegas.

Ang paghihimlay sa dating Pangulo sa LNMB ay patuloy na humahakot ng oposisyon. (Leslie Ann G. Aquino)