NGAYON ang unang Linggo ng Adbiyento, ang Linggo ng Pag-asa para sa mga Kristiyano, at ipinagdiriwang natin ito sa panahong ginigiyagis ng matitinding krisis at suliranin ang ating mundo at ang ating bansa.
Walang senyales na magwawakas na ang matinding labanan sa Aleppo, Syria, at sa Mosul, Iraq. Isang ospital sa teritoryo ng mga rebelde sa Aleppo ang binomba noong nakaraang linggo, habang patuloy namang nakikidigma ang mga miyembro ng Islamic State sa Mosul laban sa sandatahang Iraqi, sa mga Shiite at Sunni, at sa mga puwersang Kurdish, Turkish, at Assyrian na hangad na palayain ang siyudad. Kasabay nito, patuloy namang dumadagsa sa Europa at sa iba pang lugar ang daan-daang libong biktima ng mga labanan at karahasan sa Gitnang Silangan.
Sa Pilipinas, ang mga balita sa nakalipas na linggo ay tungkol sa pagdinig ng Senado sa pagsalang ng sinasabing drug operator na si Kerwin Espinosa na tumestigo tungkol sa pagkakasangkot sa droga ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno at pulisya. Sa Kamara de Representantes, tumestigo naman ang dating driver at karelasyon ng isang senador tungkol sa pagtanggap umano nito ng pera mula sa droga. Sa Mindanao, isa pang dinukot ng Abu Sayyaf, isang German na may-ari ng yate, ang ipinakitang napaliligiran ng mga dumukot sa kanya na humihingi ng P500-milyon ransom, at kung hindi maibibigay ay pupugutan din, gaya ng sinapit ng ibang bihag. At nagpapatuloy din ang mga kilos-protesta kaugnay ng paghihimlay kay Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Tunay na masalimuot ang mga panahong ito para sa atin, ngunit sa kabila nito, sisindihan natin ngayon ang Kandila ng Pag-asa para sa unang Linggo ng Adbiyento na para sa mga Kristiyano ay isang pagbabalik-gunita sa makasaysayang pagsilang kay Hesukristo at isang pagtanaw sa paghahanda para sa kanyang Pagbabalik.
Sa Vatican, pinangunahan ni Pope Francis ang pagtatapos ng Extraordinary Jubilee Year of Mercy at nagpalabas ng apostolic letter na may titulong “Misericordia et Misera” — Awa at Pagdurusa. Pinalawig niya ang ilang hakbangin na sinimulan niya sa Banal na Taon, kabilang ang pagpapahintulot sa mga pari na magpatawad sa aborsiyon. Bagamat nagtapos na ang Jubilee Year, sinabi ng Santo Papa na marapat na manatili ang pagpapamalas ng awa at malasakit sa kapwa.
Dapat na pakinggan ng marami nating opisyal na naaaliw sa hindi magagandang palitan ng testimonya sa Kongreso ang panawagang ito para sa awa, lalo na ngayong nagsimula na ang Panahon ng Adbiyento. Sa susunod na tatlong Linggo, sisindihan natin ang mga Kandila ng Pag-ibig, kasunod ang Kaligayahan, at ang Kapayapaan, at ang huli, ang Kandila ni Kristo sa Pasko. Isinisimbolo ng mga ito ang kaliwanagang hatid at diwa ng Pasko na mahalagang maging gabay natin sa panahong ito ng ligalig.