CABANATUAN CITY - Mariing pinabulaanan ng Nueva Ecija Provincial Agriculture Office (PAO) ang sinasabing krisis sa sibuyas at pagkalugi ng mga nagtatanim nito sa lalawigan.
Ayon kay PAO Chief Serafin Santos, walang katotohanan ang napapabalitang hoarding ng sibuyas sa mga imbakan o cold storage, at krisis sa sibuyas.
Sa katunayan, aniya, Agosto ng taong ito nang ibenta ng mga magsisibuyas ang huling ani nila at pinaghahandaan na ngayon ang susunod na panahon ng taniman.
Paliwanag pa ni Santos, ang mga nakaimbak na sibuyas ay pawang pag-aari ng mga onion trader at hindi ng mga magsasaka.
Nilinaw din niyang bago mag-angkat ng sibuyas ay nag-iimbentaryo muna ng supply sa bansa, sa pangamba na rin ng Bureau of Plant Industry (BPI) na kapusin ito dahil sa pamemeste ng “army worms” sa mga sibuyasan. (Light A. Nolasco)