PAREHONG inamin nina Coco Martin at Vice Ganda sa grand presscon ng pelikulang The Super Parental Guardians na takot sila sa direktor nilang si Bb. Joyce Bernal. Katunayan, kahit naiilang si Coco na makita ni Vice na nakahubad, napilitan siyang sumunod kay Direk Joyce.
Kaya pagkatapos ng Q and A, tinanong namin ang lady director kung ano ang ikinatatakot sa kanya ng Primetime King at ng Unkabogable Phenomenal Star.
“Takot din naman ako sa kanila, eh, it’s a tie,” tumatawang sagot ni Direk Joyce.
Kumusta namang first timer na katrabaho sina Coco at Vice?
“Okay naman sila, magaling sila, eh, they know their brand of comedy. Nag-adjust ako nang bonggang-bongga, nahirapan talaga ako kasi iba ‘yung nakasanayan nila with regards to Direk Wenn (Deramas, SLN), meron na silang habit on how they do it. It’s very spontaneous, eh, hindi katulad ko. Iyon kasi ang ipinaglalaban ko sa Star Cinema, kailangan may script kami, gusto ko buo,” paliwanag ni Direk Joyce.
Sa madaling sabi, hindi sanay sa shooting na halos puro adliban ang bagong direktor nina Vice at Coco.
“Okay naman sa akin ‘yung adlib kasi comedy ‘yan, maraming nangyayari as you go along,” saad ni Direk Joyce.
Hindi itinanggi ng direktor na hindi niya nahabol ang estilo ng pagpapatawa nina Vice at Coco.
“Medyo hindi, ‘yung brand kasi ng comedy ni Vice, bading, eh, ako bastos ako, di ba? Mga tipong Mr. Swabe. So, combination ng medyo bastos at bading at toilet humor, ha-ha-ha. Saka pambata naman, hindi naman lalagpas,” kuwento ni Bb. Joyce.
May pagkakataon ba na nagalit siya habang sinu-shoot nila ang Super Parental Guardians?
“Hindi, kasi we finished on time. ‘Yun ang unang adjustment ko, kasi pagdating ni Vice after Showtime, one hour na lang silang magkikita ni Coco, so ‘yun ‘yung mga in-adjust ko. Umabot kami ng 30 shooting days. ‘Tapos ‘yung mga bata (Awra at Onyok), tig- four hours lang sila,” kuwento ni Bernal.
Kumusta namang katrabaho ang dalawang child superstars ng FPJ’s Ang Probinsyano?
“Masaya, of course. Sila kasi ‘yung maaga and then actually ‘yung dalawang ‘yun prepared, ha? Alam nila ‘yung lines nila, so doon ako bumoto sa kanila,” papuri ni Direk Joyce kina Awra at Onyok.
Sa panayam namin kay Vice, bago si Direk Joyce, inamin nito na nagustuhan nito ang estilo ng pagdidirek niya at puwedeng siya na ang maging direktor ng susunod nitong mga pelikula na pang-Disyembre.
“Depende, siguro rin wala akong time. Pero sinabi ko kay Vice na gumawa kami ng (pelikulang) may karakter, pag-aralan mo ‘yung karakter na hindi masyadong Vice.”
Inamin din ni Direk Joyce na nakialam sa script sina Vice at Coco.
“Opo, nakialam sila, pero okay lang kasi hindi ko nga alam ‘yung bading na humor, kasi ‘yung karakter daw niya (Vice) baklang lapot, eh, ano ba ‘yung baklang lapot? Hindi ko kasi alam ‘yun.
“Si Coco naman, sa aksiyon lang at saka ang pangingialam ni Coco is before (shooting). Okay lang naman sa akin na makialam ka before the shooting, huwag naman ‘yung on the day ng shoot mismo, ‘wag ‘yun,” katwiran ng bulilit na direktor.
Ngayon lang ba niya naranasan na may idinirek siyang nakikialam?
“Ah, I welcome that. I like ‘yung parang mayroon kang sariling take, sariling suggestions. But with the case of Coco and Vice, they’re really and entirely stars na so iba rin ‘yung datingan, epal sa epal. Level naman kami sa epalan,” paliwanag ni Joyce.
Samantala, aware si Direk Joyce na parehong blockbusters ang mga pelikula nina Vice at Coco na nang magsama sa Beauty and The Bestie ay umabot sa mahigit kalahating bilyon ang gross income, kaya hindi itinanggi ng direktor na may konti siyang hesitation bago tinanggap ang Super Parental Guardians.
“Inisip ko kasi na baka sa akin pa bumagsak ‘tong mga ‘to, sa akin pa hindi kumita ng ganito, baka sa akin pa mapulaan na, ‘oy, ano’ng nangyari?’ Pero after that, okay na, bahala na si Batman,” paliwanag ng direktor.
Si Coco raw ang pumili kay Bb. Joyce na magdirek nitong SPG.
“Meron before ‘binigay (na concept) si Vice na superhero, sabi ko, hindi ko kaya, ayoko ng superhero. So, tinanggihan ko ‘yung una, kaya ang unang magkasama talaga, kami ni Coco, ‘tapos pumasok na si Vice.”
Bakit ayaw gumawa ni Bernal ng superhero project?
“’Yung effects... ‘tapos alam ko ‘yung ratsadahan na ganu’n, ‘tapos manonood ka ng ganu’n. Hindi ako happy sa effects-effects, ayoko ng lumilipad-lipad,” pagtatapat ni Direk Joyce.
Pagkatapos ng Super Parental Guardian, may naghihintay na gagawing bagong pelikula kay Joyce.
“May project kami ni Neil Arce, sana matuloy pero nag-aalangan pa, with John Lloyd (Cruz), kung hindi matuloy, baka Piolo (Pascual). Pero ang inaabangan ko talaga na hindi pa ako sinasagot ay si Robin Padilla kasi ready na kami (script), parang Kailangan Ko’y Ikaw (pelikula nina Robin at Regine Velasquez),” say ni direk Joyce.
Siyempre na-excite kami dahil balik romantic comedy si Binoe na mas gusto namin kaysa sa nag-aaksiyon siya.
At ang leading lady ay, “Sana matuloy nga, si Arci Muñoz gusto namin,” napangiting sabi ng direktora.
Ano sa palagay mo, Bossing DMB, papatok ang Robin-Arci, di ba?
(Puwedeng-puwede! –DMB) (REGGEE BONOAN)