Dalawa ang nalunod habang isa ang napaulat na nawawala matapos na lumubog ang isang motorbanca sa Lagonoy, Camarines Sur, nitong Biyernes ng umaga, dahil sa pagsusungit ng dagat sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Marce’.

Ayon sa paunang impormasyon mula sa Philippine Coast Guard (PCG), ang mga biktima ay pawang civilian agent ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng lalawigan, na naglayag sa kabila ng ipinairal na “no sail policy” ng Coast Guard dahil sa bagyo.

Sinabi ng PCG na Biyernes ng umaga nang nilisan ng maliit na motorbanca, na may sakay na 14 na pasahero, ang Tamban Tinambac Port para sa isang rescue operation sa bayan ng Garchitorena.

Gayunman, lumubog ang kanilang bangka dahil sa malakas na hangin at naglalakihang alon pagsapit nila sa bahagi ng Barangay Mapid sa Lagonoy.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Labing-isa sa mga pasahero ang na-rescue, habang wala nang buhay sina Tomas Rentoy VII at Isagani Dadis nang marekober sa search at rescue operation ng Coast Guard Substation (CGSS)-Tamban at pulisya, ayon sa PCG.

Habang sinusulat ang balitang ito ay pinaghahanap pa ng search at rescue teams si SPO4 Edwin Pagao.

(Argyll Cyrus B. Geducos)