Personal na ginawaran ni Pangulong Duterte ng medalya nitong Biyernes ang 13 sundalo na nasugatan sa pakikipaglaban sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu at Basilan.
Bukod sa medalya, tumanggap din ang bawat sundalo ng P100,000 special financial assistance (SFA), karagdagang P10,000 cash, at isang caliber Glock 30. mula sa Pangulo.
Bumisita ang Punong Ehekutibo sa Camp Gen. Teodulfo Bautista Hospital sa Busbus, Jolo, Sulu, kung saan nagpapagaling ngayon ang ilan sa mga sugatang sundalo.
Kinumusta rin ni Duterte ang mga pamilya ng mga sundalong nasawi sa labanan sa Sulu. Binigyan sila ng P250,000 SFA at karagdagang P20,000 cash.
Napatay sa labanan sina Sgt. Sikal Akjam, Sgt. Abrojer Sakili, Pvt. Joel Decierdo at Cpl. Ronnie Navarro.
Mula sa Sulu, bumiyahe ang Commander-in-Chief patungong Zamboanga City para bisitahin ang mga sugatang sundalo sa Camp Navarro General Hospital (CNGH).
Sa CNGH, binigyan din ni Duterte ng medalya at tulong pinansiyal si Cpl. Ruel P. Clavo, ng 14th Scout Ranger Company, Special Operations Command sa ilalim ng Joint Task Force Basilan.
Isa si Clavo sa apat na sundalong nasugatan sa pagsabog habang nagpapatrulya sa Barangay Sabong, Lamitan City nitong Nobyembre 14.
Bukod kay Clavo, walo pang sugatang sundalo ang naka-confine sa CGGH na tumanggap din ng Pangulo ng tulong pinansiyal at caliber Glock .30. (Elena L. Aben)