Laro Ngayon (MOA Arena)

4 n.h. -- FEU vs Ateneo

Maudlot ang pinapangarap na tapatan ng archrival Ateneo at La Salle sa finals ang target ng Far Eastern University Tamaraws sa krusyal na duwelo kontra sa Blue Eagles ngayon sa Final Four showdown ng UAAP Season 79 men's basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay.

Tangan ng Blue Eagles, bilang No.2 seed, ang twice-to-beat advantage sa serye kung kaya’t mabigat ang pasanin para sa defending champion.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakatakda ang laro sa 4:00 ngayong hapon.

Nakatawid na ang top seed La Salle Green Archers nang pabagsakin ang Adamson Falcons sa kanilang hiwalay na serye nitong Miyerkules.

Naniniwala si FEU coach Nash Racela na makakaya nilang maisakatuparan ang misyon dahil handang magsakripisyo ng bawat isa.

"If you based it on the games we played, we have a good chance," ani Racela.

"Kailangan lang alam nila at andun ‘yung commitment to do the right things and look for consistency," aniya.

Sa panig ng Ateneo, naniniwala si coach Tab Baldwin na kailangan nilang paghandaan ng husto ang FEU at hangga't maaari gaya ng payo ni dating Ateneo 5- peat champion coach Norman Black hindi na sila dapat umabot sa Game 2.

"We have to prepare a little bit differently. Coach Nash is a smart coach. We have to be on our toes," sambit ni Baldwin.

Muling inaasahang mamumuno para sa misyon ng Tamaraws sina Reymar Jose, Monbert Arong, Ron Dennison, Richard Escoto at Prince Orizu habang sasandig naman ang Blue Eagles kina Thirdy Ravena, Aaron Black, Mike Nieto at Isaac Go. (Marivic Awitan)