MELBOURNE – Matamlay ang simula nina Pinoy golf star Miguel Tabuena at Angelo Que sa natipang five-over 77 sa opening round foursome ng World Cup of Golf nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nalaglag sa sosyong ika-26 puwesto ang Pinoy kasama ang Malaysian duo nina Danny Chia at Nicholas Fung.

Naitala ng dalawang pambato ng bansa ang isang birdie laban sa anim na bogey. Tatangkain nilang makabawi sa pagpalo ng four-ball competition para sa ikalawang round.

Nangunguna ang tambalan nina Rafa Cabrera-Bello at Jon Rahm ng Spain sa naiskor na 69, isang stroke ang bentahe sa France, China at Team US.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umiskor sina Victor Dubuisson at Romain Langasque ng France ng 70, gayundin sina Wu Ashun at Li Haotong ng China at ang tambalan nina Rickie Fowler at Jimmy Walker ng US.

Kumana naman sina Chris Wood at Andy Sullivan ng England ng 71, gayundin sina Francesco Molinari at Matteo Manassero ng Italy.

Magkakasama naman na may iskor na 72 sina Alex Noren at David Lingmerth ng Sweden ; Soren Kjeldsen at Thorbjorn Olesen ng Denmark; at Shane Lowry at Graeme McDowell ng Ireland.