SI Kerwin Espinosa ang pangunahing resource person ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa naganap na imbestigasyon nito kamakailan. Iniimbestigahan ng komite ang pagkamatay ng ama ni Kerwin na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa noong salakayin ng mga pulis ang Leyte sub-provincial jail kung saan siya nakapiit. Si Mayor ay isa sa mga opisyal ng pamahalaan na pinangalanan ni Pangulong Digong na sangkot sa droga.
Subalit, ayon kay Kerwin, walang kinalaman ang kanyang ama sa droga. Siya lang daw ang nasa illegal drug trade.
Nagsimula raw siyang magtulak ng droga noong 2004 sa Cebu. Naaresto siya at pinatawan ng parusang habambuhay. Habang nasa Lahug jail sa Cebu City, nakatagpo niya ang apat na nagbebenta ng shabu, isa rito ay si Jeffrey Diaz, alyas “Jaguar”, na ang shabu ay galing kay Lovely Adam Ampal na nakatira ngayon sa Makati. Nagpatuloy siya sa negosyong pagtutulak ng droga nang malipat siya sa New Bilibid Prison (NBP). Kasama na niya si Peter Co, na binibigyan siya ng apat hanggang 10 kilo ng shabu na ibenebenta nila sa Tacloban, Ormoc, Baybay at Hilongos sa Leyte.
Nakulong na naman siya sa Ormoc City sa kasong illegal possession of firearms na ipinasampa ni Jaguar sa isang pulis dahil nais daw nitong masarili ang kanyang asawa. Sa piitan, nagkita sila ni Wengweng Rosal at ipinagpatuloy niya ang negosyong droga sa tulong ni Senior Insp. Rio Tan. Sina Chief Insp. Wilfredo Abordo at Dennis Torrefiel ang mga supplier ng shabu. Marami pa siyang binanggit na pulis na animo’y nasa kanyang payroll sa pagtutulak niya ng droga.
Sa testimonya ni Kerwin, may binanggit siya na mga pulis na hindi lamang kanyang protector kundi mga supplier pa ng kanyang ibinebentang shabu. Ang kanyang naging papel dito ay bilang bagsakan ng droga at siya ang nagbebenta nito.
Pero, ang hindi matumbok-tumbok ng imbestigasyon, sa Senado man o sa Kamara, ay kung sino ang gumagawa ng shabu at ang mga nasa likod nito.
May mga nadiskubre nang laboratoryo ng shabu, sino ang may-ari at nagpapatakbo sa mga ito? At sino ang mga kasabwat nila sa gobyerno? Ayon kay Kerwin, may ilang kulungan na siyang pinasok at nagawa pa niyang magbenta ng shabu. Kung ang mga pulis ang mga supplier niya nito, saan naman ito kinukuha ito ng mga pulis?
Napakahalagang palalimin pa ang imbestigasyon upang malaman ang pinakaugat ng problemang ito at ito mismo ang gibain upang mapigil na ang mga araw-araw na pagpatay sa mga dukha na nais lamang makaraos sa araw-araw. (Ric Valmonte)