untitled-1-copy-copy

CLEVELAND (AP) – Hataw ang ‘Big Three’ ng Cleveland – Kevin Love, Kyrie Irving at LeBron James – sa dominanteng 128-90 panalo kontra Dallas Mavericks nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Ratsada si Love sa naiskor na 27 puntos, habang kumana si Irving ng 25 puntos at kumubra si James ng 19 puntos, 11 assist at limang rebound para sa ikatlong sunod na panalo ng defending NBA champion.

Hindi nakalaro sa Dallas ang injured na sina JJ Barea (calf) at Devin Harris (toe) para matikman ang ikawalong sunod na kabiguan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nanguna sa Mavs sina Dirk Nowitzki na may 15 puntos at Harrison Barnes na tumipa ng 12 puntos.

SPURS 109, CELTICS 106

Sa Boston, nahila ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na kumana ng 25 puntos at 10 rebound, ang winning run sa walo nang maungusan ang Celtics.

Umiskor ng kabuuang 56 puntos ang bench ng Spurs na kinabibilangan nina Patty Mils at David Lee para sa 13 panalo sa 16 laro ng San Antonio.

Nanguna sa Boston si Isaiah Thomas na may 24 puntos at walong assist, habang tumipa si Avery Bradley ng 19 puntos.

BULLS 105, SIXER 89

Sa Philadelphia, nagsalansan si Jimmy Butler ng 26 puntos sa loob ng tatlong quarter para sandigan ang Chicago kontra Philadelphia.

Hindi na kinailangan si Butler sa fourth quarter tungo sa ika-10 panalo ng Bulls sa 16 na laro.

Nag-ambag si Rajon Rondo ng 10 assist at anim na puntos habang kumubra si Taj Gibson ng 12 puntos.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Toronto Raptors kontra Milwaukee Bucks, 105-99; dinispatsa ng Detroit Pistons ang Los Angeles Clippers ,108-97; at pinabagsak ng Indiana Pacers ang Brooklyn Nets, 118-97.