SA pagdinig ng Senate committees on public order and dangerous drugs at justice and human rights nitong Nobyembre 23, ibinunyag at idiniin ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at si Senador Leila De Lima ng drug lord na si Kerwin Espinosa kaugnay ng pagkakasangkot sa illegal drug trade. Sa pamamagitan ito ng pagtanggap ng pera bilang drug payola.

Ayon kay Kerwin Espinosa, binigyan niya ng P8 milyon si De Lima bago mag-eleksiyon noong Mayo sa pamamagitan ng driver-lover nito na si Ronnie Dayan. Dalawang beses umano na nag-abot ng pera si Kerwin kay Dayan. Ang una ay sa isang restaurant sa Maynila at ang ikalawa ay sa Burnham Park sa Baguio City, na roon ay ipinakilala ni Dayan si Espinosa kay Senador De Lima bilang si “Batman”. Magkakasamang nag-picture taking pa sila nina Senador De Lima.

Ang mga opisyal naman ng PNP sa Region 8 na tumanggap daw ng drug payola at nasa payroll daw ni Kerwin ay sina Supt. Marvin Marcos, direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Tumanggap daw ito ng P3 milyon para pondohan ang kampanya sa pulitika ng asawa noong Mayo.

Nasa P20,000 naman ang lingguhang tinanggap ni Chief Insp. Leo Laraga. Ang nasabing opisyal ang bumaril at nakapatay sa ama ni Kerwin na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa habang nasa kulungan noong madaling-araw ng Nobyembre 5.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Si Supt. Noel Matira, supervisor ng raiding team sa kulungan ng pinatay na mayor, ay tumanggap daw ng P15,000.

Naging P20,000 daw ito matapos palawakin ang operasyon nito sa Eastern Visayas.

Ang pinakamataas na opisyal ng PNP na binigyan ng drug payola ay si dating General Loot, na mayor ngayon ng Daanbantayan, Cebu, na tumanggap daw ng P120,000 bawat buwan. Si General Loot ay deputy director ng Provincial Region Office 8. Patuloy pa rin umanong tumanggap ng drug payola nang malipat sa Training Center sa Camp Crame.

Tumanggap din daw ng drug payola na P6 milyon si Senior Supt. Hasher Dolina, na noon ay director ng Police Regional Office-8.

Tulad ng karaniwang ginagawa ng mga napagbibintangan at inaakusahan, itinanggi ng mga umano’y tumanggap ng drug payola ang mga alegasyon ni Kerwin. Sa paliwanag ni Senador De Lima, sinabi niya: “May Lord forgive you for all your sins, and may God forgive you for all your lies about me.” Sinabi pa ng senadora na pinatatawad na rin niya si Espinosa kasabay ang pahayag na walang katotohanan ang alegasyon laban sa kanya. Aniya, hindi niya kilala si Kerwin Espinosa at hindi niya natatandaan kahit isang pagkakataon o okasyon na si Espinosa ay nakatagpo niya.

Sa panig naman ng mga opisyal ng PNP na isinangkot ni Espinosa sa drug payola, matindi rin ang kanilang pagtanggi.

Isa sa mga opisyal ang nagsabing hiwalay na siya sa kanyang asawa nang kumandidato ito noong Mayo. Binanggit ni Espinosa na ang payola na ibinigay niya sa nasabing opisyal ay ginamit sa political campaign ng misis nito.

Ang ibang opisyal ng PNP ay nagsabing ang alegasyon sa kanila ni Espinosa ay “half truth” at “half lies”.

Katotohanan o kasinungalingan man ang alegasyon ni Espinosa sa mga opisyal ng PNP na sangkot sa drug payola, nagiba na naman at lalong nabatikan ang kredibilidad at imahe ng PNP, na magbubunga ng patuloy na pagkawala ng tiwala ng marami nating kababayan sa mga pulis. May mga kababayan na tayong ang pakahulugan ngayon sa PNP ay Pahingi Ng Pera.

Sa ginagawang katarantaduhan at kagaguhan ng ilang tiwaling opisyal at tauhan ng PNP ay nadadamay ang matitinong pulis. Marami ang nagdarasal na sana’y maparusahan at masibak sa tungkulin ang mga sangkot sa drug payola.

Dahil dito, sa mismong pagdinig sa Senado ay naging emosyonal at umiyak si PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa. Ngunit nangako siyang hindi siya susuko sa kampanya kontra droga at patuloy niyang susuportahan si Pangulong Duterte sa pagsugpo sa illegal drugs sa bansa. (Clemen Bautista)