NAKATUKLAS ng solusyon ang mga mananaliksik sa Singapore kung paano mababawasan ang mga aksidente na may kaugnayan sa mga taong mahilig gumamit ng cell phone o smart phone habang naglalakad—isang scooter na hindi kailangang may nagmamaneho at maaaring sakyan ng mga naglalakad.
Nakatatakbo ang one-seater na may apat na gulong at may bigat na 50 kilo hanggang 6kmh (4mph) at may laser sensor na nakatutulong sa pag-navigate sa mga daanan.
Ang scooter, na dinebelop ng National University of Singapore (NUS), ay ang kasalukuyang eksperimento ng bansa na sasakyang walang nagmamaneho, sa layunin na gamitin ang makabagong teknolohiya para masolusyunan ang problema sa limitadong kalupaan at manggagawa.
Sumailalim ang scooter sa matagumpay na pagsusuri sa campus at sinabi ng mga gumawa nito na makatutulong ito para mapadali ang pagkilos ng lahat ng tao anuman ang kanilang edad, mababawasan din ang pangangailangan sa sasakyan, at makababawas sa aksidente.
“I’m sure you have experienced people who just use their handphone while walking, and almost run into you ... so it would be nice if you are just sitting down and checking your emails,” saad ng NUS Associate Professor at project leader na si Marcelo Ang Jr. “We just give you more choices.”
Inihayag rin ni Ang na maaaring makipagtulungan ang scooter sa iba pang sasakyan na hindi kailangan ng magmamaneho sa Singapore, kung saan sinusubukan na rin ang robo-taxi para sa mga self-driving bus.
Dagdag pa niya, sinadya ang scooter para sa makikipot na daan na hindi makalulusot ang malalaking sasakyan.
Sa kasalukuyan, kinakailangan ng scooter ng ilang segundo para masundan ang ibang ruta kapag malapit na ito sa harang. Sinabi ni Ang na ito ngayon ang balak pagbutihin at solusyunan ng kanyang grupo.
‘Tila hindi naman apektado ang mga gumagamit ng scooter sa pagtigil-tigil nito.
“It goes really smoothly and travels very safely,” saad ng mag-aaral na si Kevin Xiangyu Hui, na sinubukan ang scooter.
Patuloy pang susuriin ang proyekto, na nabuo sa pakikipagtulungan ng Massachusetts Institute of Technology (MIT), Singapore-MIT Alliance for Research and Technology (SMART), at NUS, at hindi pa rin ito ibinebenta sa kasalukuyan. - Reuters