Ipinasa ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang batas na ibaba ang minimum membership requirement sa pagpaparehistro ng labor unions at maisaayos ang proseso ng rehistrasyon.
Pinagtibay ng komite na pinamumuuan ni Rep. Randolph S. Ting (3rd District, Cagayan) ang House Bill 1355 na inakda nina Reps. Karlo B. Nograles (1st District, Davao City) at Jericho Jonas B. Nograles (Party-list, PBA), na naglalayong luwagan ang mga limitasyon sa pagtatayo ng unyon ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa Presidential Decree No. 442 (“Labor Code of the Philippines”).
Iginiit ng mga may-akda na ang karapatan sa pagbuo ng unyon ay isang universal human right na nakapaloob sa “International Labor Organization Convention No. 87 on Freedom of Association.” - Bert de Guzman