LABIS-labis ang pasasalamat ng mga Pilipinong mangingisda kay Pangulong Duterte nang sa wakas ay pahintulutan na silang makapangisdang muli sa kanilang tradisyunal na pinaghahanguan sa Scarborough Shoal—na mas kilala natin bilang Panatag o Bajo de Masinloc—noong nakaraang buwan makalipas ang apat na taon ng pagharang sa kanila ng mga barkong Chinese na umaangkin sa lugar bilang teritoryo ng China.
Kagagaling lamang ng Pangulo sa Beijing para sa isang state visit at bilang pagpapakita ng kabutihang loob, pinahintulutan ng China ang mga mangingisdang Pinoy na muling makapamalakaya sa Scarborough. Sa state visit, idineklara ng Presidente na wala siyang inilahad na usaping legal tungkol sa hurisdiksiyon o soberanya. Aapela lamang siya para sa mga mangingisda upang makabalik ang mga ito sa paghahanapbuhay.
Noong nakaraang linggo, sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting sa Lima, Peru, ipinaalam ni Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping na nais niyang ideklara ang shoal sa Panatag bilang isang marine sanctuary at ipagbawal doon ang pangingisda, dahil maraming yamang-dagat ang nagpaparami sa lugar. Hindi nagkomento sa plano ang tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Geng Shuang, sinabi lamang na: “China’s sovereignty and jurisdiction over Huangyan (tawag ng China sa Scarborough) has not and will not change.”
Hurisdiksiyon ang usapin dito. Para sa China, ang Scarborough ay isang Chinese territory. Ngunit ang nais ni Pangulong Duterte ay magpalabas siya ng executive order upang ipagbawal ang pangingisda sa shoal.
Sa pagpapapalabas ng nasabing executive order, paano ito tutugunan ng China? Hindi magiging maganda kung ituturing ng China ang hakbanging ito bilang pambabastos sa awtoridad nito at muling ipagbawal sa lugar ang mga mangingisdang Pilipino.
Naghihimutok naman ang mga mangingisda, sa pamamagitan ni Fernando Hicap, chairman ng grupong Pamalakaya, na “sarili na nating batas at gobyerno, hindi na ang China” ang nagbabawal sa kanilang mangisda sa lugar. Dapat nilang maunawaan na ang EO na ipinanukala ni Duterte ay nagbabawal lamang sa pangingisda sa lugar na pinagpaparamihan ng mga isda, hindi sa karagatang nakapaligid dito na sagana rin sa isda. Kaya naman wala silang magiging problema sa paghahango ng maraming isda.
Ang tunay na problema ay kung paano tutugunan ng China ang pagpapalabas ni Pangulong Duterte ng executive order na malinaw na kokontra sa iginigiit ng China na soberanya at hurisdiksiyon sa lugar. Umaasa tayong magiging bukas sila rito, huwag nang magkokomento tungkol sa EO, at patuloy na pahintulutan ang mga mangingisda sa lugar. Ang panganib ay ang posibilidad na maging negatibo ang reaksiyon ng mga opisyal ng China sa maituturing nilang paghamon sa kanilang awtoridad at muli nilang pagbawalan ang ating mga mangingisda.