BOGOTA (AFP) – Nilagdaan ng gobyerno ng Colombia at ng mga rebeldeng FARC (Revolutionary Armed Forces of Colombia) ang kontrobersyal na binagong kasunduang pangkapayapaan noong Huwebes para tapusin ang kalahating siglo nang digmaan. Nakatakda itong ratipikahan ng Kongreso sa kabila ng matinding pagtutol.
Pinirmahan nina President Juan Manuel Santos at guerrilla leader Rodrigo “Timochenko” Londono ang bagong kasunduan gamit ang pluma na gawa sa basyo ng bala, sa isang simpleng seremonya sa kabiserang Bogota.
Ang orihinal na kasunduan na nilagdaan noong Setyembre ay ibinasura ng mga botante sa isang referendum nitong nakaraang buwan, na ikinagulat ng mga negosyador.