Ni GENALYN D. KABILING

Anim pang lupain ng gobyerno ang binabalak buksan ng pamahalaan para madaanan ng mga pribadong sasakyan upang maibsan ang matinding trapik sa Metro Manila.

Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chair Thomas Orbos na sinisilip nila ang mga lupain ng pamahalaan kabilang na ang Bonifacio Naval station sa Taguig City, University of the Philippines campus, at National Power Corporation (NAPOCOR) properties bilang mga posibleng access roads, bago ikonsidera ang apela sa private villages na pahintulutan ang vehicular traffic.

“We are looking at about six more, around six more public government properties to open up,” ani Orbos sa press briefing ng Palasyo.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“So first, public properties such as the military camps and then public roads. Then if need be, we will take a look at the villages,” dagdag niya.

Sinabi ni Orbos na nagsagawa na ng konsultasyon ang MMDA sa ilang private villages at naging “very cooperative” naman ang mga ito sa planong buksan ang kanilang mga lugar kung kinakailangan.

Nauna nang inanunsyo ng MMDA na bubuksan nila ang ilang bahagi ng Camp Aguinaldo sa Quezon City sa mga motorista upang mapaluwag ang trapik sa EDSA northbound.

Ang iba pang posibleng access roads ay ang isang barangay property na nagdudugtong sa EDSA sa Jupiter Street sa Makati City; MMDA property sa Roxas Boulevard; at ang mga pag-aari ng NAPOCOR at Philippine National Railway.

Binabalak din ng MMDA na kausapin ang UP administration para sa posibleng pagbukas sa campus sa vehicular traffic.

Sinabi rin ni Orbos na pinag-iisipan din nilang magpataw ng “congestion fee” sa mga motoristang pumapasok sa public roads.