Sinabi ng isang opisyal ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kahapon na umiksi ng 20 minuto ang biyahe sa EDSA kapag rush hour.
Ayon kay Senior Insp. Jem Dellantes, ang deputy spokesperson ng Highway Patrol Group (HPG), batay sa records na ibinigay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang improvement ng travel time sa EDSA ay maaaring dulot ng ipinatupad nitong “no window hour policy”.
“Based on our records, the implementation of the no window policy is 7 a.m. to 8 p.m. That’s the record data of the usual peak of vehicles or rush hour,” sabi ni Dellantes. “The rush hour is included in the ‘no window hours’.”
Ayon sa MMDA at HPG, mahigit 20 minuto ang nabawas sa travel time sa EDSA.
Sinabi ni Dellantes na bagamat marami pa rin ang dumadaan sa EDSA, naging free-flowing ang takbo ng mga behikulo at hindi katulad noon na madalas na napakabagal ng paggalaw ng trapiko.
Bukod sa EDSA, 22 iba pang pangunahing mga lansangan ang isinama sa pinalawak na coverage ng “window hours” policy. Kabilang sa mga ito ang C5 (SLEX C5 Exit-Commonwealth, Recto Avenue, Quirino Avenue, Araneta Avenue, C6, Roxas Blvd., Taft Avenue, SLEX, Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Magsaysay Blvd, Aurora Blvd., Quezon Avenue, Commonwealth Avenue, A. Bonifacio Avenue, Rizal Avenue, Del Pan Road, Marcos Highway, MacArthur Highway, Alabang-Zapote Road sa Muntinlupa, at Samson Road, at A. Mabini St. sa Caloocan City.
Ang pagpapalawak sa mas maraming kalsada ng number coding scheme, kabilang na ang one-hour extension ng “no window hours”, ay ipinatupad nitong Nobyembre 2. (Francis T. Wakefield)