Tiniyak kahapon ng Philippine Army na sisiguruhin nito ang seguridad ni Talitay, Maguindanao Mayor Montassir Sabal, na tinutugis sa mga kasong illegal possession of firearms at droga, sakaling piliin ng alkalde na sumuko.

Sinabi ni Col. Cirilito Sobejano, commander ng 601st Army Brigade sa Tacurong City, Sultan Kudarat, na handa ang militar na bigyang seguridad si Sabal kung susuko ito para harapin ang mga kasong kinasasangkutan nito.

“We are open for him if he decides to surrender, we will provide him security,” ani Sobejana.

Setyembre pa nagtatago si Sabal matapos siyang banggitin ni Pangulong Duterte, gayundin ang kapatid niyang si Talitay Vice Mayor Abdul Wahab Sabal, na kabilang sa mga “narco-politicians”.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Inaresto si Abdul Wahab sa paliparan sa Cotabato dahil sa pag-iingat ng matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog. Nakapiit ngayon ang bise alkalde sa Camp Crame sa Quezon City.

“The military is willing to provide him security if he decides to surrender...it is the best thing for him to do than fight the government that may lead to bloody confrontations and cost lives and properties,” sabi ni Sobejana.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ng alkalde na hindi siya susuko dahil inosente siya sa mga kasong kinakaharap niya.

NAKALULULANG ARMORY

Sa raid kamakailan ng Maguindanao Police Provincial Office (PPO) sa bahay ng alkalde sa Barangay Pagada ay nakumpiska ang dalawang .60 caliber machine gun, apat na .30 caliber machine gun, dalawang 60mm mortar, dalawang 81mm mortar, rocket propelled grenade (RPG) M23 at M79 grenade launchers, M14, M16 at AK-47 rifles, Barret sniper rifle, M1 Garand rifle, 12-gauge shotgun at iba’t ibang uri ng bala.

Nakasamsam din umano ng droga, gayundin ang maraming mamahaling sasakyan ng magkapatid na Sabal.

SUSPENDIDO NA

Samantala, sinuspinde na ni Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman si Sabal matapos ang mahigit dalawang buwang hindi pagpasok sa kanyang tanggapan.

Itinalaga naman ni Maysome Kamad, local government operations officer sa Talitay, si Councilor Kamid Buisan bilang officer in charge (OIC) mayor.

Kaugnay nito, nasa mahigit 1,000 pamilya na ang lumikas upang hindi maipit sa operasyon ng Maguindanao PPO at Army laban sa alkalde—na pinaniniwalaang protektado ng isa umanong armadong grupo. (FER TABOY at ng PNA)