MATATANDAANG ibinasura ni Pangulong Aquino noong Enero ng kasalukuyang taon ang panukalang dagdagan ng P2,000 ang buwanang pensiyon ng mga retirado ng Social Security System (SSS), makaraang umasa rito ang libu-libong retirado na ang iba’y tumatanggap ng hanggang sa kakarampot na P2,500 buwan-buwan.
Hindi inaasahan ang pag-veto ng pangulo, dahil malawakan ang naging pagtalakay sa panukala sa Kongreso at maging ng media. Dahil kilala ang administrasyong Aquino sa masusing pakikipag-ugnayan sa 16th Congress, pinaniwalaang suportado ito ng administrasyon. Umaasa ang lahat na maaaprubahan ito bilang napakagandang Pamasko sa mga retirado.
Ipinasa ng Kongreso ang panukala. Subalit ibinasura ito ng presidente, ikinatwirang magdudulot ito ng “dire financial consequences”. Dahil dito, mawawalan ang SSS ng P56 bilyon kada taon, aniya, at masasaid nito ang SSS Reserve Fund pagsapit ng 2029. Binalewala niya ang probisyon sa Social Security Law, ang RA 8282, na nag-oobliga sa Kongreso na maglaan ng kinakailangang pondo upang tiyaking laging may sapat na balanse sa pondo ng ahensiya.
Ngayong mayroon tayong bagong administrasyon at bagong Kongreso, muling inihain ng mga mambabatas ang SSS pension bill at tiniyak ni Pangulong Duterte ang kanyang suporta rito. Nakatutuwa ring suportado ng mismong SSS ang panukala at naglatag pa ng mga plano ang ahensiya para maayos nitong maipatupad ang karagdagang P2,000 sa pensiyon.
Bahagi ng plano ng SSS ang apela na hatiin sa dalawang bahagi ang pagkakaloob nito, binibigyang konsiderasyon ang aspetong pinansiyal. Ang unang bahagi ay ang aktuwal na pagkakaloob ng P1,000 dagdag sa 2017. Ang P1,000 pa ang ibibigay naman sa mga susunod na taon, o sa 2022 ang pinakamaagap. Sa pagitan ng pagkakaloob ng dagdag-pensiyon, titiyakin ng SSS ang pondo nito sa pamamagitan ng karagdagang kita sa pinag-ibayong koleksiyon at mga panibagong pamumuhunan, ayon kay Social Security Commission Chairman Amado Valdez.
Bukod ito, hihilingin din nitong maaprubahan ang mga plano para mamuhunan sa malalaking proyekto, gaya ng mga kalsadang ipagagawa sa ilalim ng programang Public-Private Partnership, na nangangako ng mas mataas na kita kaysa stocks, pabahay, real estate, at pagpapautang na pinahihintulutan na ngayon. Maaari itong masustenihan ng bahagyang pagtaas ng kinokolektang kontribusyon, bukod pa sa subsidiya ng gobyerno.
Sa ipinakikitang kahandaan ng maraming sektor — ang Presidente, Kongreso at mismong SSS — makaaasa ang ating mga retirado ng karagdagang tulong sa kanilang pagtanda.