DUMARAMI ang mga contact at nagiging bigtime sa katagalan, ang ilang nabatos na pusher na naaaresto at nakukulong sa ating mga pambansang piitan. Kung minsan naman ay nakukulong sa ibang asunto at sa tagal sa loob ng piitan, natutunan ang pasikut-sikot sa larangan ng pagtutulak ng droga at nagiging dalubhasa pa sa ilegal na negosyong ito – hanggang maging isang KINGPIN.

Makabuluhang pananaw na hindi agad sumagi sa aking isipan. Napalatak ako at nasabing “oo nga at tama” nang marinig ko ito sa huntahan at pagtatalo ng isang grupo ng kabataan, na kasabay kong kumakain sa isang sikat na hamburger chain sa Cubao na madalas kong pasukin dahil sa malambing nilang pakikitungo sa mga senior citizen card holder na tulad ko.

Sa tingin ko pa nga, mga estudyante sila dahil ang ilang babae sa grupo ay naka-uniporme pa ng isang kilalang unibersidad sa Quezon City. Bawat isa ay may bitbit na cellphone na maya’t maya ay dinudutdot nila, nagpapakita lamang na habang kumakain ay busy din sila sa pagti-text, lalo na sa pagpi-FACEBOOK, na siya nilang pinagkukunan ng mga update hinggil sa hearing na nagaganap sa senado at kongreso.

Marami akong natutunan sa pag-e-eavesdropping ko sa huntahan ng mga kabataang ito, na sa aking first impression ay naglalakwatsa lamang habang ang kanilang mga magulang ay nagkakanda-kuba sa hanapbuhay. Maling-mali ako sa pag-iisip ko ng ganito – makabuluhan din pala ang kanilang ginagawa at pinag-uusapan sa tulong ng kanilang mga hawak na makabagong teknolohiya –walang dudang updated sila sa problema ng bansa.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Gaya ko, marahil ay pinili nilang mananghalian sa lugar na ito dahil bukod sa mura ay tahimik at malinis ang kapaligiran - kaya’t habang kumakain, malaya silang nagpapalitan ng mga kuru-kuro na nasisingitan din ng kantiyawan, hinggil sa nagaganap na hearing sa Kongreso na sa mga oras na ito, ang kasalukuyang pinupulutan ng mga kongregista ay ang “Dayan-Leila Affair.”

Mainit at nakakaintriga ang mga komento ng mga kabataang ito hinggil sa hearing at sa isyung droga, lalo na sa “Dayan-Leila Affair” ngunit ‘di ko na tatalakayin dito, maliban sa isang ito na hanggang sa ngayon ay paulit-ulit pa sa aking tenga: “Kinikilabutan ako sa tawag sa kanilang KAGALANG-GALANG!” Sa naobserbahan kong ito, natatakot ako para sa ating mga kabataan, sa mga naka-share at naka-post na mga pekeng artikulo, video at larawan na pakawala ng mga makabagong SPINDOCTOR na sinasamantala ang pagkahumaling at pagiging dependent ng ating mga kabataan sa social media pagdating sa mga balita, impormasyon at bagong kaalaman.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)